Tinawag Upang Maging Katuwang ng Diyos

Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon
Pagbasa: Lucas 5, 1-11

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, nakatayo si Hesus sa baybayin ng Lawa ng Genesaret. Pinagkalipumpunan siya ng napakaraming tao na ibig makarinig ng salita ng Diyos. May nakita siyang dalawang bangka sa baybayin; nakalunsad na ang mga mangingisda at naghuhugas ng kanilang mga lambat. Lumulan siya sa isa sa mga bangka at hiniling kay Simong may-ari nito, na ilayo nang kaunti sa tabi. Naupo siya sa bangka at nangaral sa mga tao.

Pagkatapos niyang magsalita ay sinabi kay Simon, “Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat upang manghuli.” Sumagot si Simon, “Guro, magdamag po kaming nagpagod at wala kaming nahuli! Ngunit dahil sa sinabi ninyo, ihuhulog ko ang mga lambat.” Gayon nga ang ginawa nila sa dami ng kanilang huli ay halos magkansisira ang kanilang mga lambat. Kaya’t kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa ibang bangka upang patulong, at lumapit naman ang mga ito. Napuno ang dalawang bangka na halos lumubog. Nang makita iyon ni Simon Pedro, siya’y nagpatirapa sa paanan ni Hesus at nagsabi, “Lumayo po kayo sa akin, Panginoon, sapagkat ako’y makasalanan.” Nanggilalas siya at ang kanyang mga kasama dahil sa dami ng kanilang huli gayon din sina Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo, na mga kasosyo ni Simon. At sinabi ni Hesus kay Simon, “Huwag kang matakot. Mula ngayo’y mamamalakaya ka ng mga tao.” Nang maitabi na nila ang kanilang mga bangka, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Hesus.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


Naatasan ka na bang maging lider ng isang pangkat o project sa klase? Hindi ba sa pagbuo ng grupo ay pinipili natin ang mga taong alam nating makakatulong ng husto sa ating proyekto. Maaaring sa tingin ng iba ay hindi perpekto ang kinukuha nating mga miyembro ngunit alam natin sa ating puso’t isipan na sila ang tamang tao upang maging mabunga ang ating gawain bilang grupo. Maging si Hesus sa sipi ng Ebanghelyo ngayong linggo ay bumuo ng Kanyang mga ka-grupo! Ang tawag sa kanila ay mga apostoles. 

Nararamdaman na ni Hesus ang bigat at laki ng Kanyang misyon sa mundo: sa pangangaral, pagpapagaling ng mga may karamdaman at  pagsasaayos ng mga tao lalo na ang mga makasalanan at itinatakwil ng lipunan. Tinawag niya ang unang mga apostoles niya, sina Simon (Pedro), Santiago at Juan - mga mangingisda. “Huwag kang matakot. Mula ngayo’y mamamalakaya ka ng mga tao.” Lucas 5:10

Bakit kaya mga mangingisda ang unang tinawag na apostol ni Hesus? Ano ang sinisimbolo ng lambat sa ating buhay?

Sa pagpili ng mga makakasama sa Kanyang misyon sa lupa ay tinawag ni Hesus ang mga di karapat-dapat, mga makasalanan at mga itinatakwil ng lipunan. Maging si Simon (Pedro) ay nakaramdam na hindi siya karapat-dapat na makasama ng Panginoon: 

“Nang makita iyon ni Simon Pedro, siya’y nagpatirapa sa paanan ni Hesus at nagsabi, “Lumayo po kayo sa akin, Panginoon, sapagkat ako’y makasalanan.” Lucas 5:8

Lahat tayo’y makasalanan at di karapat-dapat na maging lingkod ng Panginoon ngunit kahit na ganon ay tinatawag pa rin tayo ni Hesus na sumunod sa kanya! Ang simbahan ay simbahan para sa mga makasalanan at hindi ng mga matuwid o banal. Hindi kailangan ni Hesus ang mga pinakamatalino, pinakamagaling at pinakabanal na tao upang maglingkod! Bagkus tinatawag Niya ang mga taong may pusong marunong sumunod at isabuhay ang Kanyang mga aral.  

Handa ba akong talikdan ang lahat kung ako’y tinawag ng Panginoon na maglingkod sa Kanya? Paano ako naglilingkod para sa Panginoon sa kasalukuyan? 

🙏 Manalangin tayo…

+ Panginoong Diyos, bukal ng aming pag-asa at kaligtasan, patuloy Mo kaming pagkalooban ng maraming banal na katulong ni Hesus sa pagpapastol upang malugod at tapat Ka naming mapaglingkuran. Amen!

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

Ika-4 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay

Ika-3 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay