Tinawag na Ibahagi ang Pinahahalagahan ni Kristo

Ika-6 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Lucas 6:17. 20-26

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, bumaba si Hesus, kasama ang Labindalawa, at tumayo siya sa isang patag na lugar. Naroon ang marami sa kanyang mga alagad at ang napakaraming tao buhat sa Judea at Jerusalem, at sa mga bayan sa baybaying-dagat ng Tiro at Sidon. Tumingin si Hesus sa mga alagad at kanyang sinabi,

“Mapalad kayong mga dukha, sapagkat ang Diyos ang maghahari sa inyo!”

“Mapalad kayong mga nagugutom ngayon, sapagkat kayo’y bubusugin!”

“Mapalad kayong mga tumatangis ngayon, sapagkat kayo’y magagalak!”

“Mapalad kayo kung dahil sa Anak ng Tao kayo’y kinapopootan, ipinagtatabuyan at inaalimura ng mga tao, at pati ang inyong pangalan ay kinasusuklaman. Magalak kayo at lumukso sa tuwa kung ito’y mangyari, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit — gayun din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta.”

“Ngunit sa aba ninyong mayayaman ngayon, sapagkat nagtamasa na kayo ng kaginhawahan!”

“Sa aba ninyong mga busog ngayon, sapagkat kayo’y magugutom!”

“Sa aba ninyong nagsisitawa ngayon, sapagkat kayo’y magdadalamhati at magsisitangis!”

“Sa aba ninyo, kung kayo’y pinupuri ng lahat ng tao, sapagkat gayun din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


Naranasan mo na bang makalimutan ang iyong baon sa school? Naku! Ano ang kakainin mo sa recess at sa lunch!? Magugutom ka at manghihina habang nasa klase at baka hindi mo maintindihan ang lesson. 

Sa pangangaral ni Hesus tila sinasabi niyang “mapalad” ang mga nagugutom.

Inilahad ni Hesus sa dalawang bahagi ang kanyang aral sa sipi ng Ebanghelyo ngayong linggo. Laman ng unang bahagi ang pahayag na nagsisimula sa “Mapalad”. Ang ikalawang bahagi naman ay nagsisimula sa pariralang “Sa aba…”. Ang dalawang mensahe ay magkatulad ngunit inilalarawan ang kabaliktaran ng pangalawa sa unang pahayag. 

Alin sa mga “mapapalad” ang nakaantig sa akin? May mga pahayag ba “sa aba” ang tila naisasabuhay ko ngayon?

Sa unang basa ng aral ng “mapapalad” ay tila nakakalito ang mga pahayag. Maiisip natin… paanong naging mapalad ang mga nagugutom, ang mga umiiyak, ang mga nahihirapan at inuusig dahil sa pananampalataya?

Ang mga “mapapalad” ay tila mga pangako na ibinibigay sa mga sumusunod kay Hesus. Mapalad ang mga taong nagugutom dahil makararamdam sila ng kaginhawaan. Sa mga pagkakataong tayo ay nakakaranas ng sakit at karamdaman, may lunas na naghihintay para sa atin at tayo’y aaliwin at bibigyang ginhawa ng Panginoon. Ito ay maaaring manggaling sa pakikipag-usap sa kanya… o kaya sa pamamagitan ng mga taong tutulong sa atin. May kasiyahan at kaginhawaan sa pagsunod natin kay Hesus. Hindi niya tayo pababayaan! 

Salungat naman ito para “sa aba…” na sa sobrang ginhawa at kayamanan nilang tinatamasa ay nakakalimutan na nila na kailangan nila ang Panginoon! Kaya’t maaaring ginagawa lang nila ang lahat ng bagay na gusto nila na hindi nakikita ang paghihirap ng kapwa. Sa huli, maaaring sila naman ang makakaranas ng hirap at pagdurusa sa kabilang buhay. 

Bilang mga bata, isipin kung paano tayo makakatulong ni Hesus na makapagbigay aliw sa mga nalulungkot o umiiyak at makabusog sa mga nagugutom. 

🙏 Manalangin tayo…

+ Panginoong Diyos, tulungan Mo kaming mahalin ang Iyong minamahal at tanggihan ang Iyong tinatanggihan, nang sa gayon ay makamit namin ang buhay na walang hanggan at kaligayan sa Iyong Kaharian kung saan Ka nabubuhay at naghahari magpakailaman. Amen!

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

Ika-4 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay

Ika-3 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay