Tinawag at Handang Maglingkod Tulad ng Ginawa Ni Kristo

Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Marcos 10:42-45

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos


Noong panahong iyon, pinalapit ni Hesus ang labindalawang alagad at sinabi sa kanila: “Alam ninyo na ang mga itinuturing na pinuno ng mga Hentil ay siyang pinapanginoon, at ang mga dinadakila ay siyang nasusunod. Ngunit hindi ganyan ang dapat umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na ibig maging dakila ay dapat maging lingkod. At sinumang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng lahat.”


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.



Naranasan mo na bang maging lider ng pangkat sa paaralan, sa group project o kaya ng iyong mga kaibigan. May mga taong gustong gusto ang maging lider lalo na’t sa tingin nila ay sinusunod at nirerespeto ng mga kasama ang kanyang bawat utos at salita.


Sa paglilingkod ng mga apostoles, ang ilan sa kanila ay nag-iisip na ng kani-kanilang pag-angat sa antas ng katungkulan ngunit tila na may bahid ng pagmamataas. Ang mga ganitong pag-iisip ang agad na itinuwid ni Hesus sa Kanyang mga alagad.

“At sinumang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng lahat.” Marcos 10:43-45


Mabuti ba akong lingkod sa ating Panginoon?


Ang paglilingkod sa kapwa ay hindi “status symbol” o batayan ng pagiging mas mataas sa kapwa. Mapapansin sa ibang lider na mas iniintindi nila ang kanilang pansariling interes bago ang sa iba. Isiping mabuti kung sino ang tunay na nakikinabang sa pagbabahagi ng oras, talento at kayamanan. Ito ba ay nagdudulot na maginhawaan ang kapwang nahihirapan o naghihirap? Ito ba ay nakapagpapalapit lalo sa mga tao sa Panginoon?

Hinahamon tayo ni Hesus na buksan ang ating mga palad na tumulong na walang pagmamataas at para sa ikabubuti ng karamihan. Mahirap ito ngunit may naghihintay na gantimpala sa atin Kasama niya sa buhay na walang hanggan.


Basahin ang aralin sa World Mission Sunday at alamin kung paano tayo maaaring makatulong at maglingkod bilang mga munting misyonero.

🙏 Manalangin tayo…

+ Panginoong Diyos, nawa palakasin ng Iyong biyaya ang aming mga misyonero, aliwin sila sa kanilang pagdadalamhati, at magbunga nawa ng kaligtasan ang kanilang mga pagsisikap para sa lahat. Isinasamo namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen!

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

Ika-4 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay

Ika-3 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay