Sinugo sa Kahirapan at Kahinaan Upang  Magpagaling at Magligtas

Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon
Marcos 6:7-13

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, tinawag ni Hesus ang Labindalawa, at sinugong dala-dalawa. Binigyan niya sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, at pinagbilinan: “Sa inyong paglalakbay, huwag kayong magdala ng anuman, maliban sa tungkod. Ni pagkain, balutan, salapi sa inyong lukbutan o bihisan, ay huwag kayong magdala. Ngunit magsuot kayo ng panyapak.” Sinabi rin niya sa kanila, “At sa alinmang tahanang inyong tuluyan – manatili kayo roon hanggang sa pag-alis ninyo sa bayang iyon. Kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang dako, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok ng inyong mga paa, bilang babala sa mga taga-roon.” Kaya’t humayo ang Labindalawa at nangaral sa mga tao na pagsisihan nila at talikdan ang kanilang mga kasalanan. Pinalayas nila ang maraming demonyo sa mga inaalihan nito; pinahiran nila ng langis at pinagaling ang maraming maysakit.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Panoorin ang vide Ebanghelyo dito 👇👇👇


Kung tayo ay aalis ng tahanan upang magtungo sa paaralan, bahay ng kaibigan, o kaya sa iba pang lugar ay mga mga iniisip tayong dapat dala-dala natin sa pag-alis. Wallet… check! Cellphone… check! Payong (baka umulan!)… check! Kung makakalimutan natin ang mga kagamitang ito ay parang hindi tayo kumpleto at hindi natin magagampanan ng maayos ang ating layunin sa araw na iyon. Mababalot tayo ng takot! Paano tayo mamamasahe papunta at pabalik? Paano kung nawala ako? Paano ako tatawag sa nanay at tatay ko?

Sa sipi ng Ebanghelyo ngayong linggo ay isinugo ni Hesus ang labindalawang apostol upang magmisyon. Ngunit kalakip nito ang kanyang mga bilin. 

“Sa inyong paglalakbay, huwag kayong magdala ng anuman, maliban sa tungkod. Ni pagkain, balutan, salapi sa inyong lukbutan o bihisan, ay huwag kayong magdala. Ngunit magsuot kayo ng panyapak.” Mateo 6:8-9

Kung isusugo ako ni Hesus sa isang misyong tulad ng sa Labindalawa, ano ang magiging reaksiyon ko? Magtatakda ba ako ng mga kundisyon?

Napipigilan ba tayo ng mga materyal na bagay o kakayanan upang makapag-lingkod sa Kanya? Misan, sa tingin natin ay hindi natin ito kayang gawin dahil sa maraming kadahilanan. “Wala kasi akong gamit eh? Hindi pa sapat ang aking kaalaman!… Sinong maniniwala sa akin?” Ngunit alalahanin natin na mismong si Hesus ay nakaranas ng pagtatanggi mula mismo sa Kanyang sariling bayan! Ngunit sa halip na magalit o mawalan ng pag-asa ay umalis na lamang Siya upang ipagpatuloy ang misyon sa ibang bayan. 

Bilang Kristiyano ay hinahamon tayo ni Hesus na magmisyon at ipalaganap ang Mabuting Balita. Tibayan natin ang ating loob dahil ibinigay na ni Hesus ang lahat ng ating kakailanganin sa Misyon. 

Paano ako nagmamalasakit at nakikiisa sa mga misyonero ngayon? Kumatha ng panalangin para sa kanila. 

+ Hesus, ikaw ang salitang nagbibigay-buhay. Patuloy mo akong isugo at bigyan ng lakas na ipahayag ka saan man sulok ng daigdig. Hipuin Mo ang puso ng mga taong hindi pa bukas na tumanggap ng iyong salita, sa tulong ng Espiritu Santo, magpasawalang hanggan.

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

Ika-4 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay

Ika-3 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay