Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon: Muling napakita si Hesus sa mga alagad sa tabi ng Lawa ng Tiberias. Ganito ang pangyayari. Magkakasama sina Simon Pedro, Tomas na tinaguriang Kambal, Natanael na taga-Cana, Galilea, ang mga anak ni Zebedeo, at dalawang pang alagad. Sinabi sa kanila ni Simon Pedro, “Mangingisda ako.” “Sasama kami,” wika nila. Umalis sila at lumulan sa bangka, subalit walang nahuli nang gabing iyon. Nang magbubukang-liwayway na, tumayo si Hesus sa pampang, subalit hindi siya nakilala ng mga alagad. Sinabi niya, “Mga anak, mayroon ba kayong huli?” “Wala po,” tugon nila. “Ihulog ninyo ang lambat sa gawing kanan ng bangka at makahuhuli kayo,” sabi ni Hesus. Inihulog nga nila ang lambat at hindi nila ito mahila sa dami ng huli. Sinabi kay Pedro ng alagad na minamahal ni Hesus, “Ang Panginoon iyon!” Nang marinig ito ni Simon Pedro, siya’y nagsuot ng damit sapagkat hubad siya at tumalon sa tubig. Ang kasama niyang mga alagad ay sumapit sa pampang, sakay ng munting bangka, hila-hila ang lambat na puno ng isda. Hindi sila gaanong kalayuan sa pampang – mga siyamnapung metro lamang. Pag-ahon nila sa pampang ay nakakita sila roon ng mga baga na may isdang nakaihaw, at ilang tinapay. “Magdala kayo rito ng ilang isdang nahuli ninyo,” sabi ni Hesus. Kaya’t sumampa sa bangka si Simon Pedro at hinila sa pampang ang lambat na puno ng malalaking isda – sandaan at limampu’t tatlong lahat. Hindi napunit ang lambat, kahit gaano karami ang isda. “Halikayo at mag-almusal tayo,” sabi ni Hesus. Isa man sa mga alagad ay walang nangahas magtanong sa kanya kung sino siya, sapagkat alam nila na siya ang Panginoon. Lumapit si Hesus, kinuha ang tinapay at ibinigay sa kanila, gayon din ang isda. Ito ang ikatlong pagpapakita ni Hesus sa mga alagad pagkatapos na siya’y muling mabuhay.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
🧠 Ating Karanasan
Nakaramdam ka na ba ng sobrang kalungkutan at kabiguan? Halimbawa, bumagsak ka sa exam sa school, o kaya nakaaway mo ang iyong bestfriend na sa tingin mo’y wala nang pag-asang magkabti pa kayo? Minsan may tulong na dumadating sa atin tulad ng mga taong dumadamay o nagbibigay ng payo pero hindi na natin ito makuhang pansinin. Ang mga simpleng bagay gaya ng ngiti ng kaibigan o mainit na almusal ay may dalang pag-asa na galing kay Hesus.
📖 Kwento ni Hesus
Pagkatapos Muling Mabuhay, nagpakita si Hesus sa Kaniyang mga alagad sa tabi ng Lawa ng Tiberias. Hindi Siya agad nakilala, ngunit nang sumunod sila sa Kaniyang utos na ihulog ang lambat sa kanan ng bangka, nakahuli sila ng napakaraming isda! Pagdating nila sa pampang, nakita nila si Hesus na may inihandang isda at tinapay.
“Halikayo at mag-almusal tayo.” Juan 21:12
🔍 Balikan ang Sarili
Paano ko makikilala si Hesus sa simpleng mga pangyayari o biyaya sa araw-araw?
🌟 Aral ni Hesus
Minsan, kapag tayo ay pagod, nalulungkot, o maraming iniisip, hindi natin agad nakikilala si Hesus sa araw-araw. Pero sa Ebanghelyo ngayon, pinapaalala Niya sa atin na Siya ay naroroon, naghihintay, at kumikilos para tayo ay palakasin.
Narito ang tatlong bagay na itinuturo sa atin ni Hesus sa Ebanghelyo ngayon:
- Si Hesus ay laging naroroon kahit hindi natin Siya agad nakikilala.
Kahit malungkot o nalilito tayo, si Hesus ay kasama natin at gumagawa ng paraan upang tayo’y tulungan. Kapag may biglang tumulong sa’yo sa takdang-aralin, baka si Hesus ang nagpadala sa kaniya. - Ang pagsunod kay Hesus ay may hatid na biyaya at tagumpay.
Kapag tayo’y nakikinig at sumusunod sa Kaniyang mga salita, may mabuting bunga ang ating ginagawa. Tulad ito ng pagtulong natin sa mga gawaing bahay, kahit nakakapagod ay sumasaya ang ibang miyembro ng pamilya lalo na si nanay at si tatay!. - Inaanyayahan tayo ni Hesus sa malapit at masayang samahan sa araw-araw.
Gusto ni Hesus na maging bahagi ng bawat araw natin, sa simpleng kainan, kwentuhan, at panalangin. Sa pagsasalu-salo ng pamilya sa hapag-kainan ay pagkakataong damhin ang Kanyang presensya sa ating mga mahal sa buhay.
👐 Gawa
Ngayong linggo, isabuhay natin ang tatlong aral ni Hesus:
✅ Kilalanin si Hesus sa mga tulong at biyayang dumarating sa araw-araw. Gumawa ng listahan ng tatlong bagay na nagpapasaya sa’yo at pasalamatan si Hesus para dito.
✅ Magsikap gumawa ng kabutihan sa bahay. Magkusa sa gawain sa bahay.
✅ Ibahagi ang araw mo kay Hesus at sa iba. Mag-almusal o makipagkwentuhan sa isang kapamilya at samahan ang isa’t isang manalangin at magpasalamat sa lahat ng biyayang natanggap.
🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

🙏 Panalangin
+ Panginoong Hesus, salamat po sa Inyong presensya sa bawat bahagi ng aming buhay. Tulungan po Ninyo akong makilala Kayo sa biyaya, kabutihan, at pagmamahal na dumadaloy araw-araw. Amen.