Si Hesus, Paglaban sa lahat ng uri ng Pagkabingi at Pagkamanhid

Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon
Marcos 7, 31-37

Ang Mabuting Balita ng Panginoong ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, pagbabalik ni Hesus mula sa lupain ng Tiro, dumaan siya sa Sidon, at nagtuloy sa Lawa ng Galilea, matapos tahakin ang lupain ng Decapolis. Dinala sa kanya ang isang lalaking bingi at utal at ipinamanhik nila na ipatong sa taong ito ang kanyang kamay. Inilayo muna siya ni Hesus sa karamihan, at isinuot ang kanyang mga daliri sa mga tainga nito. Pagkatapos, lumura at hinipo ang dila nito. Tumingala si Hesus sa langit at nagbuntong-hininga, at sinabi sa tao, “Effata,” ibig sabihi’y “Mabuksan!” At nakarinig na ito, nawala ang pagkautal at nakapagsalita na nang malinaw. Sinabi ni Hesus sa mga tao na huwag ibalita ito kaninuman; ngunit kung kailan sila pinagbabawalan ay lalo naman nilang ipinamamalita ito. Sila’y lubhang nanggilalas, at ang wika, “Anong buti ng lahat ng kanyang ginawa! Nakaririnig na ang bingi, at nakapagsasalita ang pipi!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


Nakakita o may kakilala ka bang may kapansanan: bulag, pipi o bingi? Nakakaawa ang kanilang kalagayan na hindi makarinig, makapagsalita o makakita. Ano ang ginagawa mo upang tulungan sila? 

Sa sipi ng Ebanghelyo ngayong linggo ay marami na ang naniniwala sa kakayanan ni Hesus na maghimala kaya’t dinala ang lalaking bingi at utal upang mapagaling. 


Gaano ba kahalaga ang pagtulong natin sa isa’t isa upang mapalapit sa Diyos?

Sa panahon ngayon ay napakahirap nang malaman kung ano ang tama sa mali. Ang dami nating napapanood sa social media na tila gulong gulo na tayo kung ano nga ba ang tunay na kabutihan. 

Tunay bang bukas ang ating puso’t isipan sa kung ano ang tama? Naririnig ba natin ang mga hinananaing ng mga nahihirapan at naghihirap? Nakapagsasalita pa ba tayo ng katotohanan at naipapahayag ang Mabuting Balita? Masahol pa tayo sa pipi’t bingi kung pinipili nating talikuran ang mga nangangailangan. 

Tandaan na sa ating munting paraan ay makakatulong tayo sa mga naghihirap. Hinahamon din tayo bilang mga Kristiyano na ipahayag ang kabutihan at ipalaganap ang pagmamahal. Magagawa lang natin ito kung alam natin ang tunay na kalagayan ng mga taong nakapaligid sa atin. Humingi tayo ng tulong kay Hesus dahil tulad ng sa Ebanghelyo, sa isang sambit at salita lamang, “Effata!”, tayo ay maliliwanagan. 

Sikaping kausapin ang mga taong nakapaligid sa atin at tignan kung sila ay nangangailangan ng tulong? Ipagdasal natin sila.

🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

+ Hesus, Ikaw ang salitang nagbibigay-buhay. Patuloy mo akong isugo at bigyan ng lakas na ipahayag ka saan man sulok ng daigdig. Hipuin Mo ang puso ng mga taong hindi pa bukas na tumanggap ng iyong salita, sa tulong ng Espiritu Santo, magpasawalang hanggan. Amen.

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

Ika-4 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay

Ika-3 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay