Si Hesus, Ang Tinapay na Nagbibigay-Buhay

Ika-19 Linggo sa Karaniwang Panahon
Juan 6:44-51

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan


Noong mga panahong iyon, nag bulung-bulungan ang mga Judio dahil sa sinabi ni Hesus, “Ako ang pagkaing bumaba, mula sa langit.” Sinabi nila, “Hindi ba ito si Hesus na anak ni Jose? Kilala natin ang kanyang ama’t ina. Paano niya ngayong masasabi: ‘Bumaba ako mula sa langit’?” Kaya’t sinabi ni Hesus, “Huwag kayong mag bulung-bulungan. Walang makalalapit sa akin malibang dalhin siya ng Amang nagsugo sa akin. At ang lalapit sa akin ay muli kong bubuhayin sa huling araw. Nasusulat sa aklat ng mga propeta, ‘At silang lahat ay tuturuan ng Diyos.’ Ang bawat nakikinig sa Ama at natututo ay lalapit sa akin. Hindi ito nangangahulugang may nakakita na sa Ama; yaong nagmula sa Diyos ang tanging nakakita sa Ama.“Sinasabi ko sa inyo: ang nananalig sa akin ay may buhay na walang hanggan. Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay. Kumain ng manna ang inyong mga ninuno nang sila’y nasa ilang, gayunman’y namatay sila. Ngunit ang sinumang kumain ng pagkaing bumaba mula sa langit ay hindi mamamatay. Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.”


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.



Karaniwang kumakain tayo tatlong beses sa isang araw: agahan, tanghalian at hapunan. Pero ang iba kumakain pa ng miryenda sa umaga, sa hapon at minsan nagmi-midnight snack pa! Ang katotohanan, madaling magutom at mauhaw ang ating mga katawan. Pero hindi lamang ang ating katawan ang ating kailangang busugin. Pati na rin dapat ang ating kaluluwa. Mapapakain ba natin ang ating kaluluwa ng tinapay? At anong klaseng tinapay ang makakapagpapabusog sa ating kaluluwa?


Hindi naniniwala ang mga Judio sa pahayag ni Hesus na Siya ang Tinapay na nagmula sa Langit. Ngunit pinaulit-ulit ito ni Hesus sa kanila at ipinagdiinan ang katotohanang Siya lamang ang makapagbibigay ng buhay na walang hanggan.

“Kumain ng manna ang inyong mga ninuno nang sila’y nasa ilang, gayunma’y namatay sila. Ngunit ang sinumang kumain ng pagkaing bumaba mula sa langit ay hindi mamamatay. Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit.” Juan 6:49-51


Paano ko binubusog ang aking kaluluwa? Naniniwala ba ako na sa pamamagitan lamang ni Hesus ako magkakaroon ng buhay na walang hanggan?


Dumadating ang maraming pagkakataon sa ating buhay kung saan binibigyan tayo ni Hesus ng pagkakataong busugin ang ating kaluluwa. Pero minsan, tulad ng mga Judio, ay pinipili natin itong talikuran. Makikita ito sa mga taong nakapaligid sa atin araw-araw o sa mga taong ating nakakasalamuha. Mga malulungkot, may dinadamdam, mga may sakit, at mga nagugutom. Paano natin ipinaparamdam sa kanila ang pagmamahal at pag-aaruga ni Hesus? Sa pamamagitan ng bukas-palad nating pagtulong sa nangangailangan… sa pagbabahagi ng ating oras, talento at nakakayanang kayamanan, binubusog natin ang ating kaluluwa.

Hinahamon din tayo ni Hesus na sumalo sa Kanyang hapag linggu-linggo. Magsimba tayo kasama ang ating pamilya at mga mahal sa buhay. Isama natin maging ang ating mga kaibigan at tayo’y makiisa sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya.


(1) Magsimba linggu-linggo at tumatanggap ng komunyon.
(2) Sa iyong munting paraan, tumulong sa taong nangangailangan.

🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

+ Hesus, ikaw ang salitang nagbibigay-buhay. Patuloy mo akong isugo at bigyan ng lakas na ipahayag ka saan man sulok ng daigdig. Hipuin Mo ang puso ng mga taong hindi pa bukas na tumanggap ng iyong salita, sa tulong ng Espiritu Santo, magpasawalang hanggan. Amen. 

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

Ika-4 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay

Ika-3 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay