Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, dumating si Hesus sa Jerico, kasama ang kanyang mga alagad at marami pang iba. Nang umaalis na sila roon, may naraanan silang isang bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. Siya’y si Bartimeo, anak ni Timeo. Nang marinig niyang naroon si Hesus na taga-Nazaret, sumigaw siya ng ganito: “Hesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” Pinagsabihan siya ng mga tao at pinatatahimik, ngunit lalo pa siyang nagsisigaw, “Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” Tumigil si Hesus at kanyang sinabi, “Tawagin ninyo siya.” At tinawag nga nila ang bulag. “Lakasan mo ang iyong loob,” sabi nila. “Tumindig ka. Ipinatatawag ka niya.” Iniwaksi niya ang kanyang balabal, paluksong tumayo at lumapit kay Hesus. “Ano ang ibig mong gawin ko sa iyo?” tanong sa kanya ni Hesus. Sumagot ang bulag, “Guro ibig ko po sanang makakita.” Sinabi ni Hesus, “Humayo ka; magaling ka na dahil sa iyong pananalig.” Noon di’y nakakita siya, at sumunod kay Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagmamasid
Naranasan mo na ba ang mawalan ng kuryente habang nasa loob ka ng kuwarto? Habang ikaw ay abala sa iyong mga gawain tulad ng paglalaro o pag-aaral ay biglang magdidilim ang kapaligiran? Nakakagulat diba? At magkukumahog kang mangapa sa dilim upang mahanap ang iyong telepono o flashlight upang muling makita ang iyong paligid. Isipin ang sitwasyong ito sa mga may kapansanan: ang mabalutan ng dilim at hindi makakita buong buhay nila. Paano naman ang ibang hindi makarinig, makapagsalita o makalakad. Hindi ba’t napakahirap ng kanilang pinagdadaanan?
Paghahawi
Sa Mabuting Balita ngayon, pinakiusapan si Hesus na tulungan ang isang pulubing bulag na maibalik ang kanyang paningin. Dahil sa pananampalataya ng bulag na si Bartimeo, ay kaagad na ipinagkaloob ni Hesus ang kanyang kahilingang mapagaling!
“Ano ang ibig mong gawin ko sa iyo?” tanong sa kanya ni Hesus. Sumagot ang bulag, “Guro ibig ko po sanang makakita.” Sinabi ni Hesus, “Humayo ka; magaling ka na dahil sa iyong pananalig.” Noon di’y nakakita siya, at sumunod kay Hesus.” Marcos 10:51-52
Pagtatabas
Ako ba ay may espirituwal o moral na “pagkabulag”? Paano lumilitaw ang gayong pagkabulag sa aking pang-araw-araw na pamumuhay? Ano ang iminumungkahi kong gawin upang mapabuti ang aking ugali?
Pagsasaayos
Mahirap magkaroon ng kapansanan. Nararamdaman natin na hindi kumpleto ang ating buhay. Ngunit ang pagkabulag o ang kapansanan ay hindi lamang sa pisikal kundi maari din sa emosyonal o espirituwal na aspeto ng ating buhay. Minsan, hindi pa nakakatulong ang pamilya minsan napakataas ng inaasahan sa ating pansariling kapasidad. Minsan hindi rin nakakatulong ang ating mga kaibigan dahil na rin sa sila mismo ay may pinagdadaanan. Lalo nang hindi nakakatulong ang social media kung saan hindi naman lahat ng nakikita natin ay makatotohanan.
Lumapit tayo sa Panginoon sa oras na nararamdaman natin na tayo’y may kapansanan. Humingi tayo ng tulong na ito ay mapagaling. At sa ating paggaling ay sana maging bukas din ang ating puso’t isipan na tumulong sa ating kapwang may ibang iniindang kapansanan.
Sa ating munting paraang: tulad ng sa pagdarasal, pangungumusta o paglalaan ng konti panahon upang sila ay makasama ay malaki ang maitutulong natin sa ating kapwa.
Pagdiriwang
Paano ko naipakikita sa Panginoon ang aking pasasalamat para sa kaloob sa aking pananampalataya at hindi mabilang na kaloob sa akin?
🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

🙏 Manalangin tayo…
+ Hesus, Ikaw ang salitang nagbibigay-buhay. Patuloy mo akong isugo at bigyan ng lakas na ipahayag ka saan man sulok ng daigdig. Hipuin Mo ang puso ng mga taong hindi pa bukas na tumanggap ng iyong Salita, sa tulong ng Espiritu Santo, magpasawalang hanggan.