Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon: Sinabi ni Hesus: “Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan, at kailanma’y di sila mapapahamak; hindi sila maaagaw sa akin ninuman. Ang aking Ama, na nagbigay sa kanila sa akin, ay lalong dakila sa lahat, at hindi sila maaagaw ninuman sa aking Ama. Ako at ang Ama ay iisa.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
🧠 Ating Karanasan
Sino ang taong laging gumagabay at nag-aalaga sa iyo? Isang magulang, guro, o kaibigang palaging nandiyan kapag kailangan mo? Isipin mo kung paano ka Niya ginagabayan at inaalagaan araw-araw.
📖 Kwento ni Hesus
Sinabi ni Hesus na Siya ang Pastol at tayo ang Kaniyang mga tupa. Kilala Niya tayo, pinapakinggan at sumusunod tayo sa Kaniya. Hindi Niya tayo kailanman pababayaan, at walang makakaagaw sa atin mula sa Kaniyang kamay o sa kamay ng Kaniyang Ama.
“Nakikinig sa Akin ang Aking mga tupa; nakikilala Ko sila, at sumusunod sila sa Akin. Binibigyan Ko sila ng buhay na walang hanggan, at kailanma’y di sila mapapahamak.” (Juan 10:27-28)
🔍 Balikan ang Sarili
Nararamdaman mo ba ang pag-aalaga ni Hesus sa iyong buhay? Paano mo Siya nasusundan bilang Iyong Pastol?
🌟 Aral ni Hesus
Kasama lagi ni Hesus bilang Mabuting Pastol ang Kaniyang mga tupa. Tulad ng isang pastol na nagbabantay sa bawat hakbang ng Kaniyang mga alaga, ganoon din ang pag-aalaga sa atin ni Hesus—mapagmahal at mapagkalingang bantay at gabay.
Narito ang tatlong aral na maari nating mapulot sa Ebanghelyo ngayong Linggo:
- Si Hesus ay gumagabay sa atin araw-araw. Sa bawat desisyong ginagawa natin, lalo na kapag tayo’y nahihirapan, tinutulungan Niya tayong makita ang tama. Kung bukas ang ating puso’t isipan, maririnig natin ang Kaniyang tinig sa loob ng ating konsensya.
- Si Hesus ay nag-aalaga sa pamamagitan ng mga taong may malasakit. Hindi lamang ang ating mga magulang ang nag-aalaga sa atin! Ipinadala Niya ang mga taong tulad ng mga pari, madre, at guro upang tayo ay alagaan. Sila ang mga pastol Niya sa kasalukuyan, na gumagabay sa atin sa paglalakbay tungo sa kabutihan.
- Si Hesus ay nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Kapag tayo ay nanatiling tapat sa Kaniya, tinatahak natin ang daan patungo sa langit. Ang gantimpala ng Kaniyang pagmamahal ay hindi lamang sa ngayon, kundi magpakailanman.
Kahit hindi natin nakikita si Hesus, nararamdaman natin ang Kaniyang pagmamahal sa bawat yakap at paggabay ng mga taong tunay na nagmamalasakit sa ating buhay. Tunay ngang mapalad tayong mahal Niyang mga tupa! 🐑
👐 Gawa
Alalahanin natin si Hesus sa mga taong nag-aalaga sa atin.
✅ Magpasalamat sa isang taong gumabay sa iyo sa pamamagitan ng sulat o simpleng “salamat.”
✅ Maging mabuting tupa sa klase o bahay—makinig at sumunod ng may pagmamahal.
✅ Magdasal para sa mga pari at madre na patuloy na naglilingkod kay Hesus bilang Kaniyang mga pastol.
🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

🙏 Panalangin
+ Panginoong Hesus, Ikaw po ang aming Mabuting Pastol. Turuan Mo po kaming makinig, sumunod, at magmahal gaya ng Iyong pagmamahal sa amin. Amen.