Sa Paaralan ng Malawak na Pang-Unawa ng Diyos

Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Pagbasa: Marcos 9, 38-43. 45. 47-48

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos


Noong panahong iyon, sinabi kay Hesus ni Juan, “Guro, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng pangalan mo, at pinagbawalan namin sapagkat hindi natin siya kasamahan.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat walang taong matapos gumawa ng kababalaghan sa pangalan ko ang agad magsasalita ng masama laban sa akin. Sapagkat ang hindi laban sa atin ay panig sa atin. Sinasabi ko sa inyo: sinumang magbigay sa inyo ng isang basong tubig dahil sa kayo’y kay Kristo ay tiyak na gagantimpalaan.


“Mabuti pa sa isang tao ang siya’y bitinan ng isang malaking gilingang-bato sa leeg at itapon sa dagat kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na nananalig sa akin. Kung ang kamay mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo! Mabuti pa ang mapunta ka sa langit nang putol ang isang kamay kaysa may dalawang kamay na mahulog ka sa impiyerno, sa apoy na hindi mamamatay. Kung ang paa mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo! Mabuti pa ang mapunta ka sa langit nang putol ang isang paa kaysa may dalawang paa na mahulog ka sa impiyerno. At kung ang mata mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukutin mo! Mabuti pa ang pumasok ka sa kaharian ng Diyos nang bulag ang isang mata kaysa may dalawang mata na mahulog ka sa impiyerno. Doo’y hindi mamamatay ang mga uod na kumakain sa kanila, at hindi mamamatay ang apoy.”


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.



Nangyari na ba sa iyong nadamay ka at naparusahan sa isang masamang bagay na ginawa ng iba? Halimbawa, may kaibigan ka na pinilit kang lumiban o mag-cut sa klase upang maglaro o pumunta sa ibang lugar habang dapat nasa paaralan ka. Eh nahuli ka ng nakatatanda ngunit nakatakas ang iyong kaibigan. Anong mararamdaman mo kung ikaw ang lubos na napagalitan at naparusahan? Hindi ba parang maiisip mong, hindi naman makatuwiran dahil hindi mo naman ideya ang gawin yon kung hindi ka nasulsulan ng kaibigan.


Anong mga bagay sa iyong buhay ang nagiging sanhi ng pagkakasala?


Inilalarawan ni Hesus ang mga taong kaisa Niya at gumagawa ng kabutihan sa Kanyang Ngalan ay kaisa sa pananampalataya at hindi dapat pigilan. Karugtong nito, ay ang pangaral niya sa kung ano ang gagawin sarili upang maiwasan magkasala.


Bilang Kristiyano ay hinahamon tayo ni Hesus na maging mabuting taga-sunod Niya, hindi lamang sa isip kundi sa pagsasabuhay ng Kanyang mga aral. Binibigyang diin ni Hesus na iwasan natin ang lahat ng pagkakataon maging ang mga magiging sanhi ng pagkakasala. Sa Kanyang turo ay mabuti pang putulin ang sariling kamay, paa o dukuting ang mata kung ito ang mga nagiging sanhi ng pagkakasala. Para kay Hesus, mas mabuti pang pumunta sa langit na kulang kulang ang parte ng katawan kaysa masunog ang buong kaluluwa sa impyerno.


Paano ka makakaiwas sa pagkakasala? Kumatha ng maikling panalangin upang magabayan tayo at mailayo sa tukso araw araw.

🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

Hesus, ikaw ang salitang nagbibigay-buhay. Patuloy mo akong isugo at bigyan ng lakas na ipahayag ka saan man sulok ng daigdig. Hipuin Mo ang puso ng mga taong hindi pa bukas na tumanggap ng iyong salita, sa tulong ng Espiritu Santo, magpasawalang hanggan.

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

Ika-4 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay

Ika-3 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay