Pinanibago at Iniligtas ng Mahabaging Pag-ibig ng Diyos

Ika-5 Linggo ng Kuwaresma
Pagbasa: Juan 8:1-11

Noong panahong iyon, si Hesus ay pumunta sa Bundok ng mga Olibo. Kinaumagaha’y nagbalik siya sa templo. Lumapit sa kanya ang lahat, kaya’t umupo siya at sila’y tinuruan. Noo’y dinala sa kanya ng mga eskriba at ng mga Pariseo ang isang babaing nahuli sa pakikiapid. Pinatayo ito sa harapan nila, at sinabi kay Hesus, “Guro, ang babaing ito’y nahuli sa pakikiapid. Ayon sa Kautusan ni Moises, dapat batuhin hanggang sa mamatay ang mga gaya niya. Ano ang masasabi mo?” Itinanong nila ito upang subukin siya, nang may maisumbong sila laban sa kanya. Ngunit yumuko si Hesus at sumulat sa lupa sa pamamagitan ng daliri. Ayaw nilang tigilan nang katatanong si Hesus, kaya’t sila’y tiningnan niya at sinabi ang ganito, “Sinuman sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya.” At muli siyang yumuko at sumulat sa lupa. Nang marinig nila ito, sila’y isa-isang umalis, simula sa pinakamatanda. Walang naiwan kundi si Hesus at ang babaing naroon pa rin sa harapan niya. Tiningnan siya ni Hesus at tinanong: “Nasaan sila? Wala bang nagparusa sa iyo?” “Wala po, Ginoo,” sagot ng babae. Sinabi ni Hesus: “Hindi rin kita parurusahan. Humayo ka, at huwag nang magkasala.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


Sa panahon ng social media napakadali na lang sa ating lahat ang manghusga ng gawa ng ating kapwa. Minsan sa walong segundo ng video clip o reel ay tila nakikita na natin ang buong pagkatao ng pinapanood natin. Hindi na natin tinitignan ang kabuuang konteksto ng naganap, madali na nating sabihin, “buti nga sa’yo!” o “ayan ang napala mo…”. Minsan, nadadala pa tayo ng ibang tao sa ating mga pananaw, madalas pa nga pagkanood natin ng clip ay tinitignan natin ang mga comment para makita ang sinasabi ng ibang tao. At minsan, pati tayo ay nadadala sa mga sinasabi nila.

Nagtuturo sa templo si Hesus nang iharap ng mga Pariseo at eskriba ang babaeng nahuli nilang nakikiapid. Malupit ang hatol at parusa sa mga taong nagkakasala ng gayon: binabato hanggang sila’y mamatay. Ginamit ito ng mga mga kaaway ni Hesus bilang patibong sa Kanya dahil alam nilang napalambot ng kalooban ni Hesus sa mga makasalanan. Kaya’t ng tanungin siya kung ano ang dapat gawin, wika niya, Sinuman sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya.” (Juan 10:7) Mula nang sinabi ito ni Hesus ay unti-unti nang nag-alisan ang mga eskriba’t pariseo. 

“Nasaan sila? Wala bang nagparusa sa iyo?” “Wala po, Ginoo,” sagot ng babae. Sinabi ni Hesus: “Hindi rin kita parurusahan. Humayo ka, at huwag nang magkasala.” Juan 10:11

Humatol na ba ako sa aking kapwa? 

Lahat tayo ay nagkakamali at nagkakasala, isipin mo kung sa dulo ng panahon, tayo ay haharap sa Panginoon at tayo ay huhusgahan sa ilang segundo ng ating buhay? Paano kung hindi na titignan ng Panginoon ang kabuuan ng ating pagkatao? Hindi ba’t tila mawawalan ng katuturan ang lahat ng ibang mabuti nating ginawa sa ating buhay?

Ngayong panahon ng kuwaresma, binibigyan tayo ng Panginoon ng pagkakataon na suriing mabuti ang ating mga sarili. Madali lamang sa Kanya ang magpatawad basta’t buo sa ating kalooban ang pagsisisi at pagnanais na itama ang mga nagawang masama.  

Suriin ang sarili, isipin ang mga pagkakamali at gumawa ng paraan upang ito’y maitama. Subukan nating magkumpisal bago ang mga Mahal na Araw. 


🍎 Palalimin natin ang ating pagkakaunawa sa Ebanghelyo ngayong linggo kasama si Sr. Anelita Lagbo, OSA mula sa Augustinian Sisters of Our Lady of Consolation ❤️


🙏 Manalangin tayo…

† Ingatan mo, Panginoon, at patnubayan kami sa landas ng habag at awa sa aming kapwa. Amen!

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

Ika-4 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay

Ika-3 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay