Pakikipaglaban Sa Pinakamalakas Na Digmaan Ng Pagpapalaya

Unang Linggo ng Kuwaresma
Lucas 4:1-13

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon: Umalis si Hesus sa Jordan, puspos ng Espiritu Santo. Dinala siya ng Espiritu doon sa ilang, at sa loob ng apat-napung araw ay tinukso ng diyablo. Hindi siya kumain sa buong panahong iyon, kaya’t gutom na gutom siya.

Sinabi sa kanya ng diyablo, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, iutos mo na maging tinapay ang mga batong ito.” Ngunit sinagot siya ni Hesus, “Nasusulat, ‘Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao.’”

Dinala siya ng diyablo sa isang napakataas na lugar at sa isang saglit ay ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian ng sanlibutan. “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kapangyarihan at kadakilaan ng mga kahariang ito,” wika ng diyablo. “Ipinagkaloob ito sa akin at maibibigay ko sa kaninumang ibigin ko. Kaya’t kung ako’y sasambahin mo, magiging iyong lahat ito.” Sumagot si Hesus, “Nasusulat, ‘Ang iyong Diyos at Panginoon ang sasambahin mo, at siya lamang ang iyong paglilingkuran.’”

At dinala siya ng diyablo sa taluktok ng templo ng Jerusalem, at sinabi sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka, sapagkat nasusulat, ‘Ipagbibilin niya sa kanyang mga anghel na ingatan ka’ at ‘Aalalayan ka nila, upang hindi ka matisod sa bato.’”

Subalit sinagot siya ni Hesus, “Nasusulat, ‘Huwag mong subukin ang Panginoon mong Diyos!’” Pagkatapos siyang tuksuhin ng diyablo sa lahat ng paraan, ito’y umalis at naghintay ng ibang pagkakataon.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


Naranasan mo na bang matukso na gumawa ng bagay na mali dahil sa pangangailangan? Halimbawa, may gusto kang bilhin na laruan pero ayaw kang bigyan ng pera ng iyong magulang, tapos may nakita kang pera na nalaglag sa sahig. Kukunin mo ba ito upang ipambili ng laruan o isasauli sa kinauukulan? O kaya, nakalimutan mo ang iyong baon sa school pero wala kang pera, habang papauwi ka ay gutom na gutom ka na! Napadaan ka sa tindahan kung saan nakatalikod ang tindera at may masarap na tinapay na maaari mong damputin na walang nakakakita… kukupitin mo ba ito at kakainin? 

Pagkabinyag ni Juan kay Hesus, puspos ng Espiritu Santo ay nagtungo si Hesus sa ilang upang mag-ayuno at manalangin bilang paghahanda sa kanyang misyon. Sa gitna ng kanyang gustom at pagod ay tinukso siya ng demonyo. Ngunit sa tatlong beses na siya’y tinukso ay napaglabanan niya ang lahat ng iyon sa pamamagitan ng pagiging tapat sa pananampalataya sa Diyos. 

Paano ko ba nilalabanan ang tuksong dumarating sa aking buhay?

Sinasabi nila ang mundo ay puno ng kasamaan. Dahil ito sa tatlong bagay: kayamanan, kapangyarihan at paghahangad ng kaginhawaan. Lahat tayo ay nakakaranas ng paghihirap, maging si Hesus ay nakaramdam din ng gutom, paghihirap at pagdurusa. Tulad din niya, kung tayo ay nakakaranas na ng mga ganitong pagpapakasakit ay natutukso tayong agaran itong matakasan at malunasan. 

Hindi masama ang pagkakaroon ng kayamanan, kapangyarihan at paghahangad ng kaginhawaan. Ngunit ito ay matatagpuan lamang sa biyaya ng Panginoon at hindi sa pagkamal nito sa pamamagitan ng pagkakasala. 

Hinahamon tayo ni Hesus, na tulad niya, ay magkaroon tayo ng mas malalim na pananampalataya sa Panginoon sa mga panahong tayo’y tinutukso: 

  1. Tayo’y magdasal – ialay natin ang ating paghihirap sa Panginoon at umasang tayo’y Kanyang bubusugin
  2. Kumapit sa Salita ng Diyos – isapuso natin ang mga naging pahayag at paraan kung paano ni Hesus tinalikuran ang tukso – hindi nag-alinlangan si Hesus na gamitin ang Salita ng Diyos labas sa demonyo
  3. Palalimin ang pananampalataya – magsisi at magkumpisal, ialay natin ang lahat ng nararanasan nating paghihirap sa Panginoon at humugot ng lakas sa Espiritu Santo upang matalikuran ang tukso.

Suriin ang sarili: Ano ang pinakamabisang paraan upang maiwasan nating mahulog sa tukso? Saan tayo humuhugot ng lakas upang magtagumpay laban sa demonyo?


🙏 Manalangin tayo…

+ Panginoong Diyos, pinananabikan namin ang pagdating ng Iyong Anak nang buong pananalig at pag-asa. Itulot Mong buong puso namin Siyang salubungin nang sa gayo’y makabahagi kami sa Kanyang kaligayahan magpakailanman. Amen!

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

Ika-4 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay

Ika-3 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay