Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon: Umakyat si Hesus sa bundok upang manalangin. Isinama niya sina Pedro, Juan at Santiago. Samantalang siya’y nananalangin, nagbago ang anyo ng kanyang mukha, nagningning ang kanyang kasuutan na naging puting-puti. Di kaginsaginsa’y lumitaw ang dalawang lalaki – sina Moises at Elias na napakitang may kaning-ningan – at nakipag-usap sa kanya. Pinag-usapan nila ang nalalapit na pagpanaw ni Hesus na magaganap sa Jerusalem. Tulog na tulog si Pedro at ang kanyang mga kasama, ngunit sila’y biglang nagising at nakita nila si Hesus na nagniningning at ang dalawang lalaking nakatayo sa tabi niya. Nang papaalis na sa tabi ni Hesus ang mga lalaki, sinabi ni Pedro, “Guro, mabuti pa’y dumito na tayo. Gagawa po kami ng tatlong kubol: isa sa inyo, isa kay Moises, at isa kay Elias.” Ang totoo’y hindi niya nalalaman ang kanyang sinasabi. Nagsasalita pa siya nang matakpan sila ng isang ulap, at sila’y natakot. At may isang tinig mula sa alapaap na nagsabi, “Ito ang aking Anak, ang aking Hinirang. Siya ang inyong pakinggan.” Nang tumigil ang tinig, nakita nilang nag-iisa na si Hesus. At hindi muna sinabi ng mga alagad kaninuman ang kanilang nakita.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagmamasid
Kung papasok ka sa madilim na kuwarto sa gabi, ano ang gagawin mo? Hindi ba’t bubuksan mo ang ilaw? Paano kung pundido ang bumbilya? Sa halip na mabungo sa kadiliman, magbubukas ka ng cellphone o kaya kukuha ka ng flashlight o kaya ng kandila diba? Kailangan natin ang liwanag upang makita natin ang ating paligid at magawa ng maayos ang ating gawain. Makakapag-aral ka ba para sa exam kung madilim ang kuwarto? Makakapagpapalit ka ba ng damit sa dilim? Hindi tayo makakagalaw at wala tayong magagawa kung tayo ay nasa dilim.
Paghahawi
Bago pa man magtungo si Hesus sa Jerusalem kung saan siya hahatulan ng kamatayan, minabuti niyang ihanda ang kanyang mga apostoles sa mga magaganap. Isa sa paghahandang ito ay ang pagdala sa kanila sa bundok upang masaksihan ang kagila-gilalas na tagpo ng kanyang pagbabagong anyo at ang paglitaw ni Moises at Elias. Mula sa alapaap ay binigyang diin ng Panginoon ang katauhan ni Hesus bilang Kanyang mahal na Anak at ang Kanyang bilin sa kanila.
At may isang tinig mula sa alapaap na nagsabi, “Ito ang aking Anak, ang aking Hinirang. Siya ang inyong pakinggan.” Lucas 9:35
Pagtatabas
Nagbagong anyo si Hesus habang nagdadasal. Ano ang ibinubunga ng pagdarasal sa akin?
Pagsasaayos
Tayo bilang mga tao ay maaari ring makaranas ng pagbabago at pagliwanag tulad ni Hesus! Ito ay sa pamamagitan ng panalangin at malalim na pakikipag-ugnayan at pagkakaibigan sa kanya.
Paano?
Tulad ng bilin ng Panginoon sa mga ulap, makinig tayo sa mga turo ni Hesus, basahin natin ang bibliya at palalimin natin ang pagkakaunawa sa mga kuwento niya. Hikayatin natin ang ating mga kaibigan, kaklase at pamilya na mas mapalalim ang pagkakakilala kay Hesus. Gamitin natin ang social media upang mas maraming makakilala kay Hesus. Sinasabi nga ni Fr. Luciano Felloni sa pagtatapos ng kanyang mga video pagninilay, “Pass it on, pununin natin ng Good News ang social media!”
Ngunit hindi lamang dito nagtatapos ang pagkakakilanlan natin kay Hesus! Isabuhay natin ang Kanyang mga turo at maging LIWANAG din tayo sa ating kapwa. Maging mas matulungin, palangiti, palakaibigan… habaan ang pasensya at tumulong sa kapwa. Hindi lang sa ating mga kaibigan at kakilala kundi lalo na sa mga higit na nangangailangan. Hatiin ang baon, at ibahagi sa na nagugutom. Huwag muna tayo mag-milk tea o shake… ibigay na lang natin sa namamalimos ang ipambibili natin. At maglaan ng kaunting oras upang kamustahin ang maysakit.
Pagdiriwang
Pagnilayan: gaano ako kahandang makinig kay Hesus at isabuhay ang kanyang mga turo? Sa paanong paraan ako magiging liwanag sa aking kapwa ngayong linggo?
Panoorin din natin ang Pagninilay ni Sr. Marie Josephine Sombrero, SPC mula sa Sisters of St. Paul de Chartres
🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

🙏 Manalangin tayo…
† Panginoong Hesus, sa Bundok ng Tabor ipinakita mo ang kaningningan ng iyong dakilang kabanalan. Ipamalas mo sa amin ang iyong sarili tuwing kami’y nagdarasal at puspusin mo kami ng iyong kapayapaan upang tapat kaming makapaglingkod sa iyo sa lahat ng araw ng aming buhay. Amen!