Pagkakaroon ng Isang Mabisang Moral na Pagbabago

Ikalawang Linggo ng Adbiyento
Lucas 3:1-6

Nasasabik ka na ba sa nalalapit na Araw ng Pasko? Ano ang mga paghahandang ginawa mo? Nakapamili ka na ba at naibalot ang mga regalo? Mayroon ka na bang isusuot para sa inyong mga Christmas party at mga reunion? Excited ka na ba sa mga masasarap na pagkain sa mga handaan? Ang mahalagang tanong: Ano nga ba ang dapat na paghahandang ginagawa natin para sa Pasko?

Si San Juan ang huli sa mga propetang dumating bago ang pagsilang ng Mesiyas. Nilibot niya ang mga lupain upang mangaral ukol sa nalalapit na pagdating ng Panginoon. 

“Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang mga landas! Tatambakan ang bawat lambak, at titibagin ang bawat burol at bundok. Tutuwirin ang daang liku-liko, at papatagin ang daang baku-bako. At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas na gagawin ng Diyos.” Lucas 3:6

Masasabi ko bang handa akong tulad ni San Juan Bautista sa pagtupad sa kalooban ng Diyos?

Ilang araw na lang ay sasapit na ang Pasko. Marahil excited at handa na tayo sa mga masasayang gawain, mga regalo, mga pagkain, damit at laruan! Ngunit kung ang ipinagdiriwang natin ay ang birthday ni Hesus, ano nga ba ang pinakamagandang paghahanda at regalo natin sa kanya? 

Bilang mga Kristiyano hinahamon tayo ni San Juan Bautista na magbago at linisin ang ating kalooban. Hindi lang mga panlabas na paghahanda ang dapat nating pagkaabalahan. Bagkus, hinihimok niya tayo ng ganito – “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan at pabinyag kayo upang kayo’y patawarin ng Diyos.” 

Tayo ba ay nakapagsisimba at nakapagkumpisal? Nakatulong ba tayo sa mga higit na nangangailangan? Anong paghahandog ng ating yaman, oras at kakayanan ang naibahagi natin sa kapwa?

Marahil, bukod sa mga bagong damit at regalo, mas mahalagang pagtuunan natin ng pansin ang mga gawaing maka pagpapayaman ng ating Espiritu upang tayo’y maging tunay na handa sa Pasko. 

Paano ko maihahanda ang daan para sa Panginoon at linisin para sa Kanya ng isang matuwid na landas sa aking buhay?

🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

🙏 Manalangin tayo…

+ Panginoong Diyos, tibayan Mo ang aming kalooban sa paghahawan ng matuwid na daan para sa Iyong Anak na si Hesus. Punuin Mo ang mga lambak ng aming mga kabiguan, patagin ang mga bundok ng aming pagmamataas, at iayos ang aming baku-bakong daan ng masamang pag-uugali. Isinasamo namin ito sa ngalan ni Hesus na aming Panginoon. Amen!

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

Ika-4 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay

Ika-3 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay