Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo, mga nakikinig: Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo, pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo, idalangin ninyo ang mga umaapi sa inyo. Kapag sinampal ka sa isang pisngi, iharap mo ring ang kabila. Kapag inaagaw ang iyong balabal, ibigay mo pati ang iyong baro. Bigyan mo ang bawat nanghihingi sa iyo: at kung may kumuha sa iyong ari-arian ay huwag mo nang bawiin pa ang mga iyon. Gawin ninyo sa iba ang ibig ninyong gawin nila sa inyo.
“Kung ang iibigin lamang ninyo ang mga umiibig sa inyo, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang mga makasalanan ay umiibig din sa mga umiibig sa kanila. At kung ang gagawan lamang ninyo ng mabuti ang gumagawa sa inyo ng mabuti, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang mga makasalanan ay gumagawa rin nito! Kung ang pahihiramin lamang ninyo ay ang mga taong inaasahan ninyong makababayad sa inyo, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang mga makasalanan ay nagpapahiram din sa mga makasalanan sa pag-asang ang mga ito’y makababayad! Sa halip, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at gawan ninyo sila ng mabuti. Magpahiram kayo, na hindi umaasa sa anumang kabayaran. Sa gayon, malaking gantimpala ang tatamuhin ninyo, at kayo’y magiging mga anak ng Kataas-taasan. Sapagkat siya’y mabuti sa masasama at sa mga hindi marunong tumanaw ng utang na loob. Maging mahabagin kayo gaya ng inyong Ama.”
“Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan ng Diyos. Huwag kayong magparusa at hindi kayo parurusahan ng Diyos. Magpatawad kayo sa inyong kapwa, at patatawarin kayo ng Diyos. Magbigay kayo, at bibigyan kayo ng Diyos: hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang takalang ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamitin sa inyo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagmamasid
Ikaw ba’y may nakaaway o umaway na sa iyo? May nakagawa na ba sa iyo ng kasamaan na hindi mo matanggap o mapatawad? Halimbawa, hiniram ng isang kaibigan ang iyong pinaka paboritong laruan, ngunit biglang ayaw na niya iton isauli sa iyo! Sa huli, malalaman mo na nasira niya at itinapon ang paborito mong laruan! O di kaya, may sikreto kang sinabi sa isang kaibigan at nalaman mo na ipinag sabi niya ito sa iba! Kaya’t dahil dito ay napahiya ka ng husto sa iyong mga kaibigan at kaklase. Ano ang naramdaman mo?
Paghahawi
Sa pagpapatuloy ng “sermon sa kapatagan” ay ipinahayag ni Hesus ang makalangit na uri ng pag-ibig.
“Gawin ninyo sa iba ang ibig ninyong gawin nila sa inyo. Kung ang iibigin lamang ninyo ang mga umiibig sa inyo, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin?” Lucas 6:31-32
Pagtatabas
Kaya ko bang magmahal at magpatawad ng kaaway?
Pagsasaayos
Kung babalikan natin ang turo ni Hesus sa sipi ng Ebanghelyo noong nakaraang linggo (ang “Mapapalad”) ay talagang nakakagulat at tila salungat ito sa natural nating pagkakaintindi sa katotohanan sa buhay. Ang mundo ay puno ng paghihirap, karahasan at kasamaan. Manood ka lang ng balita at makikita ang mga di magandang gawain ng tao sa kanyang kapwa.
Mabigat at mahirap ang hamon ni Hesus sa ating lahat – Ibigin ang ating kaaway.
Kung susuriing mabuti ay hindi naman sinabi na maging kaibigan natin ang ating mga kaaway. Ang mensahe ay maging mapagpatawad sa mga nagawang di maganda sa atin at pakitaan natin ang mga may sala sa atin ng respeto at kabutihan. Sa katotohanan, tayo ma’y marami ding nagagawang pagkakasala laban sa ating Ama sa Langit! Ngunit sa kabila ng paulit-ulit na pagkakasala natin sa Kanya ay handa siyang magpatawad at limutin ang ating kasalanan.
Sa pagpili nating maging mapagpatawad at mapagmahal lalo na sa ating mga kaaway ay ipinakikita natin ang pagmamahal na tulad ng Panginoon sa ating lahat.
Pagdiriwang
Balikan ang dasal na “Ama Namin”. Anong bahagi sa panalangin ito ang naka-ugnay sa pagpapatawad sa kapwa? Isipin kung tayo’y may nakaaway o di kasundo, paano mo ipapakita sa kanila ang pagmamahal na tulad ng sa Panginoon?
🙏 Manalangin tayo…
† Panginoon ng habag at pagpapatawad, tibayan nawa ng Iyong pagpapala ang aming puso upang mapatunayan namin sa aming pang-araw-araw na buhay ang pagmamahal na ipinahahayag ng Anak Mong si Hesukristo, Amen.
🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!
