Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Taun-taon, tuwing Pista ng Paskuwa, ang mga magulang ni Hesus ay pumupunta ng Jerusalem. At nang labindalawang taon na siya, pumaroon sila gaya ng dati nilang ginagawa. Pagkatapos ng pista, sila’y umuwi na. Nagpaiwan si Hesus sa Jerusalem ngunit hindi ito napansin ng kanyang mga magulang. Sa pag-aakala ng isa na si Hesus ay kasama ng isa, nagpatuloy sila sa maghapong paglalakbay. Nang malaman nilang hindi siya kasama, siya’y hinanap nila sa kanilang mga kamag-anak at kakilala. Hindi nila siya matagpuan, kaya’t bumalik sila sa Jerusalem upang doon hanapin. At nang ikatlong araw, natagpuan nila si Hesus sa loob ng templo, nakaupong kasama ng mga guro. Nakikinig siya sa kanila at nagtatanong; at ang lahat ng nakarinig sa kanya ay namangha sa kanyang katalinuhan. Nagtaka rin ang kanyang mga magulang nang siya’y makita. Sinabi ng kanyang ina, “Anak, bakit naman ganyan ang ginawa mo sa amin? Balisang-balisa na kami ng iyong ama sa pag-hahanap sa iyo.” Sumagot siya, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na ako’y dapat na nasa bahay ng aking Ama?” Ngunit hindi nila naunawaan ang pananalitang ito.
Siya’y umuwing kasama nila sa Nazaret, at naging isang masunuring anak. Ang lahat ng bagay na ito ay iningatan ng kanyang ina sa kanyang puso. Patuloy na lumaki si Hesus. Umunlad ang kanyang karunungan at lalong kinalugdan ng Diyos at ng mga tao.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagmamasid
Naranasan mo na bang mawala habang nasa labas kayo ng iyong mga magulang? Karaniwan kapag sinasama tayo ng ating mga nanay o nakatatanda na mag-shopping, tayo ay nalilibang sa paglalaro, pag-iikot at pagtingin-tingin sa mga tinda. Kung hindi tayo napansin ng kasama natin, ay maaari tayong mawala! Naku! Anong takot ang mararamdaman nila kapag napansin nilang wala na tayo sa kanilang paningin?
Ganito rin ang nangyari sa banal na mag-anak sa sipi ng Ebanghelyo ngayong linggo. Takut na takot sina Maria at Jose nang mapansing nawawala ang kanilang anak na si Hesus pagkagaling nila sa Pista ng Paskuwa!
Saan nila natagpuan si Hesus?
Paghahawi
Sa ikatlong araw ng paghahanap ay natagpuan nina Maria at Jose si Jesus sa Templo, nakaupong kasama ng mga guro. Siya ay nagtuturo’t nakikipagtalastasan sa mga guro at sila nama’y manghang-mangha sa kanyang angking katalinuhan!
Sinabi ng kanyang ina, “Anak, bakit naman ganyan ang ginawa mo sa amin? Balisang-balisa na kami ng iyong ama sa pag-hahanap sa iyo.” Sumagot siya, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na ako’y dapat na nasa bahay ng aking Ama?” Lucas 2:49
Pagtatabas
Alam na ni Jesus ang layunin ng Kanyang buhay kahit bata pa lamang Siya. Inihanda Niya ang Kanyang sarili, upang matupad ang kagustuhan ng Diyos Ama.
Pagsasaayos
Katatapos lamang ng Panahon ng Kapaskuhan. Marahil sariwa pa sa ating isipan ang mga imahe ni Hesus bilang bagong silang na sanggol: cute, nakakagigil at masarap tignan. Ngunit ang aral sa sipi ng Ebanghelyo ngayong linggo ay nakatuon sa “paglaki” at “pagtanda” ni Hesus. Hindi siya nanatiling sanggol, bagkus lumaki na may angking karunungan at kamalayan sa misyon niya sa lupa.
Hinahamon tayong lahat ni Hesus na tulad niya, ay lumaki at lumago din ang ating kaalaman sa pananampalataya. Oo, tila mas madaling masdan ang imahe ni Hesus bilang isang bata o Santo Niño, na madaling kausapin, bihisan at dasalan. Ngunit tandaan natin na ang batang Niño ay lumaki rin sa pananampalataya.
Paano nga ba tayo lalago sa ating pananampalataya?
- Ugaliin nating magbasa ng bibliya at Ebanghelyo araw-araw,
- Sumali tayo sa iba’t ibang organisasyon at maglingkod sa simbahan,
- Subuking gumawa ng kabutihan sa kapwa: sa mga may karamdaman, sa mga nagugutom, sa mga salat at lubos na nangangailangan
Nawa, sa mga susunod na panahon ay maging tulad tayo ni Hesus na may kaalaman sa misyon sa buhay at malago ang pananampalataya upang manatili tayong kaaya-aya sa Diyos Ama sa langit.
Pagdiriwang
Anu anong mga maliliit na hakbang ang aking gagawin ngayong taon upang mapalago ang aking pananampalataya?
🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

🙏 Manalangin tayo…
+ Ama, nagpapasalamat kami sa buhay na handog Ninyo sa amin. Gaya ni Jesus, nawa matupad namin ang layunin ng aming buhay bilang pasasalamat sa Inyo. Amen!
Palalimin natin ang ating pagkakaunawa sa Ebanghelyo ngayong linggo kasama si Sr. Joan H. Sierra, FdCC ng Canossian Daughters of Charity – Servants of the Poor
Maraming salamat sa mga ka-partner natin sa Pontifical Mission Societies