Noong panahong iyon: Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Magkakaroon ng mga tanda sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. Sa lupa, ang mga bansa ay masisindak at malilito dahil sa ugong at mga daluyong ng dagat. Ang mga tao’y hihimatayin sa takot dahil sa pag-iisip sa mga sakunang darating sa sanlibutan; sapagkat mayayanig at mawawala sa kani-kanilang landas ang mga planeta at iba pang katulad nito na nasa kalawakan. Sa panahong iyon, ang Anak ng Tao’y makikita nilang dumarating na nasa alapaap, may dakilang kapangyarihan at malaking karangalan. Kapag nagsimula nang mangyari ang mga bagay na ito, magalak kayo sapagkat malapit na ang pagliligtas sa inyo.”
“Mag-ingat kayo na huwag magumon sa katakawan at paglalasing at mabuhos ang inyong isip sa mga intindihin sa buhay na ito; baka abutan kayo ng Araw na yaon na hindi handa. Sapagkat darating iyon nang di inaasahan ng tao sa buong daigdig. Kaya’t maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo ng lakas upang makaligtas sa lahat ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagmamasid
Nakaranas ka na ba o nakasaksi sa video ng lindol? …ang paggalaw ng lupa at pagkawasak ng mga gusali at pag-itsa ng mga gamit mula sa kani-kanilang mga kinalalagyan… Nakaranas ka na ba ng kakaiba at nakakatakot na pagbayo ng bagyo? Ang makaramdam ng takot na anu mang oras ay maaaring anurin ng baha ang inyong tahanan o tangayin ng hangin ay inyong bubong?
Nakapanood ka na ba ng mga kaganapan sa giyera? Ang makakita ng malawakang pagkagutom mga payat at malnourished na bata na walang makain o mainom na malinis na tubig?
Nakakatakot hindi ba? Nakakapanindig balahibo na sa kahit na anong oras ay maaari tayong mawala sa mundo dahil sa anumang sakuna, natural man o likha ng tao.
Paghahawi
Ganito inilarawan ni Hesus ang muling pagdating ng Anak ng Tao: nakagigimbal na mga kaganapan at mga tanda mula sa kalawakan. Sa huli ay sinabi ni Hesus na walang nakakaalam kung kailan ito mangyayari kaya’t nagbilin siyo ng ganito –
“Kaya’t maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo ng lakas upang makaligtas sa lahat ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao.” Lucas 21:36
Pagtatabas
Kung ang katapusan ng mundo ay mangyayari ngayon, kabilang ba ako sa mamamatay sa takot, o sa mga matatag na makatatayo sa harap ng banal na Hukom?
Pagsasaayos
Sinasabing malapit na ang pagtatapos ng mundo! Hindi na maintindihan ang panahon dahil sa climate change. Malalaking bagyo ay nananalasa sa ating kapaligiran! Kabi-kabila ang giyera at patayan at animo nagkakatotoo na ang mga kaganapang inilarawan ni Hesus sa Ebanghelyo ngayon.
Sa muling pagdating ng Panginoon, handa ba tayong tumayo sa Kanyang harapan upang litisin? Naiisip mo ba kung ano ang mga nagawa nating kabutihan at pagsasabuhay ng Kanyang mga utos?
Hindi malakihang paghahanda ang kailangan tulad ng halimbawa sa inaasahang unos o bagyong parating: magiimbak ng tubig, baterya, pagkain. Si Hesus ay araw araw na dumarating sa ating buhay. Siya ay nasa katauhan ng bawat taong ating nakakasalamuha. Siya ay nasa mga taong naghihirap at nangangailangan. Paano natin tinutugunan ang kanilang kawalan at kakulangan? Sa pagsasabuhay natin ng turo ni Hesus ay nagiging handa tayo sa Kanyang muling pagdating sa lahat ng oras ng ating buhay.
Pagdiriwang
Pagnilayan at gumawa ng mga aksyon upang maisabuhay ang mga turo ni Hesus sa ating maliit na paraan araw-araw. Magsimula sa sariling pamilya, paaralan at kapitbahayan. Magdasal na mabigyan ng kalakasang magampanan natin ang hamong ito ni Hesus.
🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

🙏 Manalangin tayo…
+ Panginoong Diyos, pinananabikan namin ang pagdating ng Iyong Anak nang buong pananalig at pag-asa. Itulot Mong buong puso namin Siyang salubungin nang sa gayo’y makabahagi kami sa Kanyang kaligayahan magpakailanman. Amen!