Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Nang dumating ang araw ng paglilinis sa kanila ayon sa kautusan ni Moises, si Hesus ay dinala ng kanyang mga magulang sa Jerusalem upang iharap sa Panginoon, sapagkat ayon sa Kautusan, “Ang bawat panganay na lalaki ay nakatalaga sa Panginoon.” At naghandog sila, ayon sa hinihingi ng Kautusan ng Panginoon: “Mag-asawang batu-bato o dalawang inakay na kalapati.”
May isang tao noon sa Jerusalem, ang pangala’y Simeon. Matapat at malapit sa Diyos ang lalaking ito at naghihintay sa katubusan ng Israel. Sumasakanya ang Espiritu Santo na nagpahayag sa kanya na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas na ipinangako ng Panginoon. Sa patnubay ng Espiritu, pumasok siya sa templo. At nang dalhin doon ng kanyang mga magulang ang sanggol na si Hesus upang gawin ang hinihingi ng Kautusan, siya’y kinalong ni Simeon. Ito’y nagpuri sa Diyos, na ang wika,
“Kunin mo na, Panginoon, ang iyong abang alipin,
ayon sa iyong pangako, yamang nakita na ng aking mga mata ang iyong tagapagligtas, na inihanda mo para sa lahat ng bansa:
Liwanag itong tatanglaw sa mga Hentil,
at magbibigay-karangalan sa iyong bayang Israel.”
Namangha ang ama’t ina ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa kanya. Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, “Tandaan mo, ang batang ito’y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel, isang tanda mula sa Diyos ngunit hahamakin ng marami kaya’t mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil diyan, ang puso mo’y para na ring tinarakan ng isang balaraw.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagmamasid
Bilang Katoliko, marahil lahat tayo ay nabinyagan na. Sa sakramento ng Binyag tayo ay inihahandog ng ating mga magulang sa Panginoon upang mabasbasan, na siyang nagtatanggal ng ating minanang kasalanan o “original sin” at nagiging hudyat na tayo’y maging kaanib ng simbahang Katolika. Noong panahon ni Hesus ay may “paghahandog” din na nagaganap kung saan ang panganay na anak na lalaki ay dinadala sa templo upang italaga sa Panginoon alinsunod sa kagawian ng mga Hudyo. Ito ay nagmula pa noong panahon ni Moises kung kailan sila himalang napalaya mula sa pangaalipin ng mga Ehipto.
Paghahawi
Kakaiba ang kaganapan sa pagbabasbas ni Simeon na nilukuban ng Espiritu Santo na di mamamatay hangga’t di nakikita ang Mesiyas. Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, “Tandaan mo, ang batang ito’y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel, isang tanda mula sa Diyos ngunit hahamakin ng marami kaya’t mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil diyan, ang puso mo’y para na ring tinarakan ng isang balaraw.” Lucas 2:22-35
Pagtatabas
Madali ba akong tumugon sa insipirasyon ng Espiritu Santo tulad nang nangyari kay Simeon?
Pagsasaayos
Bilang mga Katoliko, marami tayong mga tradisyon o mga kagawian sa ating pananampalataya na marahil hindi natin lubusang naiintindihan. Tulad nang tayo’y binyagan, hindi naman natin ito nalalaman dahil tayo ay baby pa. Ngunit ginawa ito ng ating mga magulang para sa ating kapakanan. Habang tayo ay lumalaki, hindi rin siguro natin lubusang nauunawaan bakit ang haba ng pagdarasal ng rosaryo, o kaya bakit kailangan tayo mag-orasyon o Angelus o kaya bakit kailangan natin magsimba linggo-linggo. Ginagawa natin ang lahat ng ito bilang pagsunod sa mga tradisyon sa pagnanasang maiintindihan din natin ng lubusan ang mga bagay na ito sa ating pagtanda.
Nawa’y matuto rin tayo na makinig sa hudyat at bulong ng Panginoon sa atin. Siguro, may mga ipinagdadasal tayo na sinasagot na ng Panginoon, sa pamamagitan ng ibang tao o kaya mga situwasyon. Ibukas natin ang ating mga puso’t isipan sa tinig at mahiwagang pamamaraan ng Panginoon sa ating buhay. At kung ang sagot sa ating mga panalangin ay tila taliwas sa ating kagustuhan, ipagdasal natin na makita ang kabutihan na hatid nito sa ating buhay.
Pagdiriwang
May mga nangyayari ba sa ating buhay na di natin lubos na naiintindihan? Hayaan nating makinig sa tinig ng Panginoon at manaig ang liwanag ng Panginoon sa ating buhay upang mabawasan ang kadiliman na nagiging sanhi ng pagtataka, takot at pangamba.
🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

🍎 Palalimin natin ang ating pagkakaunawa sa Ebanghelyo ngayong linggo kasama si Ate Remy Gerollana mula sa St. Dominic de Guzman School, Inc. ❤️
🙏 Manalangin tayo…
+ Ama naming mapagpala, isinugo Mo ang Iyong Anak bilang liwanag ng sanlibutan. Puspusin Mo kami ng Banal na Espiritu at nang aming mapangatawanan ang aming pagkakatalaga sa Iyong Ngalan. Amen.