Mga Taong Mesiyas at ang Mesiyas ng Diyos

Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Marcos 8, 27-35

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos


Noong panahong iyon, si Hesus, kasama ang kanyang mga alagad, ay nagtungo sa mga nayon ng Cesarea, sakop ni Filipo. Samantalang sila’y naglalakbay, tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ako ayon sa mga tao?” Sumagot sila, “Ang sabi ng ilan ay si Juan Bautista kayo; sabi naman ng iba, si Elias kayo; at may nagsasabi pang isa kayo sa mga propeta.” “Kayo naman – ano ang sabi ninyo? Sino ako? tanong niya. “Kayo ang Kristo,” tugon ni Pedro. “Huwag ninyong sasabihin kaninuman kung sino ako,” mahigpit na utos niya sa kanila.


Mula noon, ipinaalam na ni Hesus sa kanyang mga alagad na ang Anak ng Tao’y dapat magbata ng maraming hirap. Siya’y itatakwil ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba at ipapapatay. Ngunit sa ikatlong araw, muli siyang mabubuhay. Maliwanag na sinabi niya ito sa kanila. Kaya’t niyaya siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang pagsabihan. Ngunit humarap si Hesus sa kanyang mga alagad at pinagwikaan si Pedro: “Lumayo ka, Satanas! Ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao.”


Pinalapit ni Hesus ang mga tao, pati ang kanyang mga alagad, at sinabi, “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin. Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito; ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Mabuting Balita ay siyang magkakamit niyon.”


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.



Mayroon ba tayong paboritong super hero? Ang iba siguro si Superman, si Batman o kaya si Wonderwoman. Ang iba naman ay tunay ng mga tao ang kanilang hinahangaan, mga sundalo, pulis, o kaya ang kanilang mga magulang. Pakiwari kapag tinitignan natin sila, inilalarawan nila ang tagumpay sa ating mga mata! …Matipuno ang katawan, hindi matatalo ng kahit na anong hamon ng kalaban, at kayang gawin ang kahit ano, mailigtas lang ang naaapi at biktima ng karahasan. Ganito rin naman si Hesus, ngunit kakaiba ang tinahak niyang daan upang magtagumpay at maging Tagapagligtas nating lahat.


Alam and tanggap na ni Hesus ang mangyayari sa Kanya upang mailigtas ang sanlibutan. Unti unti ay inihahanda na Niya ang labindalawa niyang alagad upang ipagpatuloy ang Kanyang misyon. Ngunit bago pa man sila maihanda, ninais ni Hesus na tanungin kung ano ang pagkakakilala nila sa Kanya.

“Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin. Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito; ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Mabuting Balita ay siyang magkakamit niyon.” Marcos 8:24-35


Makasunod kaya ako na itakwil ang aking sarili at pasanin ang krus para sumunod sa kanya?


Minsan, hindi natin lubusang maintindihan o matanggap ang mga masasakit na pangyayari sa ating buhay. Halimbawa, bumagsak tayo sa test kahit sobra ang pagrereview… hindi tayo pinayagan sa ating lakad kahit na sa tingin natin ay naging mabuti tayong anak at nagawa naman ang mga tungkulin sa bahay… ang hindi natin nakuha ang ating minimithi at ipinagdadasal. Malamang tayo ay nagtatampo at nasasaktan.

Hindi natin batid o lubos na nauunawaan ang mga plano ng Panginoon sa ating lahat. Hindi man natin lubos na nalalaman, walang ibinibigay sa atin, biyaya man o pagsubok, ang hindi hahantong sa kabutihan o sa ikabubuti ng ating sarili.

Magtiwala tayo sa Panginoon at ipagdasal natin na maintindihan o matanggap kung bakit tayo nahihirapan, naghihirap, o kaya tila hindi dinidinig ang ating panalangin. Tignan natin sa kabilang banda kung anong kabutihan ang naidulot ng mga karanasang ito upang mapaunlad ang ating buhay.


Pagnilayan ang mga panalangin na sa tingin natin ay hindi dinidinig. Isipin kung bakit at ano ang nakakubling kabutihan sa mahiwagang pamamaraan ng Panginoon.

+ Hesus, ikaw ang salitang nagbibigay-buhay. Patuloy mo akong isugo at bigyan ng lakas na ipahayag ka saan man sulok ng daigdig. Hipuin Mo ang puso ng mga taong hindi pa bukas na tumanggap ng iyong salita, sa tulong ng Espiritu Santo, magpasawalang hanggan.

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

Ika-4 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay

Ika-3 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay