Mga Katangian ng Pagkahari ni Kristo

Dakilang Kapistahan ni Kristong Hari
Juan 18:33b-37

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, itinanong ni Pilato kay Hesus, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?’ Sumagot si Hesus, “Iyan ba’y galing sa inyong sariling isipan, o may nagsabi sa inyo?” “Ako ba’y Judio?” tanong ni Pilato. “Ang mga kababayan mo at ang mga punong saserdote ang nagdala sa iyo rito. Ano ba ang ginawa mo?” Sumagot si Hesus, “Ang kaharian ko’y hindi sa sanlibutang ito. Kung sa sanlibutang ito ang aking kaharian, ipinakipaglaban sana ako ng aking mga tauhan at hindi naipagkanulo sa mga Judio. Ngunit hindi sa sanlibutang ito ang aking kaharian!” “Kung gayon, isa kang hari?” sabi ni Pilato. Sumagot si Hesus, “Kayo na ang nagsasabing ako’y hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa sanlibutan: upang magsalita tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa aking tinig ang sinumang nasa katotohanan.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


Nakakita ka na ba ng hari? Marahil sa mga larawan, magaganda ang mga suot na damit at kagamitan ng mga hari. Malimit sila ay may korona at maraming taong sumusunod at pumuprotekta sa kanya! Kung sa panahon ngayon ay makakita ka ng taong simple ang damit, ipinagkanulo ng mga tao at iniharap sa’yo na walang anumang yaman, iisipin mo rin bang siya ay hari? 

Sa nalalapit na pagwawakas ng buhay ni Hesus mundo, nilitis Siya ni Pilato upang malaman ang katotohanan sa mga ibinibintang ng mga Hudyo sa Kanya. Ngunit naging malinaw na hindi makamundo ang pinaghaharian ni Hesus kundi kabanalan. 

Handa ba tayong sumunod kay Jesus bilang ating hari, kahit na nangangahulugan ito ng pagsalungat sa kasanayan ng mga tao?

Ano nga ba ang mahalaga para sa atin? Ang mga makamundong yaman o ang yaman sa kaharian ni Hesus sa kabilang buhay?

Tayo ay pinapaalalahanan ng Ebanghelyo na si Hesus, bagamat nagdadala ng katotohanan at nagpahayag ng katarungan para sa lahat, ay hindi isang politikal o makalupang hari, ngunit isang espirituwal na hari na dumating upang magdala sa atin ng kaligtasan at katotohanan.

Hinahamon tayo bilang mga Kristiyano na ipaglaban ang katotohanan at kabutihan. Isabuhay natin ang lahat ng mga turo sa atin ni Hesus. Mahirap ang landas papunta sa kaharian ng Panginoon ngunit sa Kanyang tulong, mararating din natin ang kabanalan. 

Ipanalangin natin na magkaroon tayo ng karunungan at lakas ng loob na sundin si Hesus bilang ating hari, at maging saksi sa kanyang katotohanan at pagmamahal sa ating buhay. Nawa’y lagi nating tandaan na si Jesus ang hari ng mga hari, at ang kanyang kaharian ay mananatili magpakailanman.

🙏 Manalangin tayo…

+ Hesus, Ikaw ang salitang nagbibigay-buhay. Patuloy mo akong isugo at bigyan ng lakas na ipahayag ka saan man sulok ng daigdig. Hipuin Mo ang puso ng mga taong hindi pa bukas na tumanggap ng iyong Salita, sa tulong ng Espiritu Santo, magpasawalang hanggan. Amen

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

Ika-4 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay

Ika-3 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay