Mamuno sa Pagiging Huwaran ng Paglilingkod

Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon
Marcos 9, 30-37

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, si Hesus at ang kanyang mga alagad ay nagdaan sa Galilea. Ayaw ni Hesus na malaman ito ng mga tao, sapagkat tinuturuan niya ang kanyang mga alagad. Sinabi niya: “Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo at papatayin, ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw.” Hindi nila naunawaan ang sinabi niya, ngunit natatakot naman silang magtanong sa kanya. At dumating sila sa Capernaum. Nang sila’y nasa bahay na, tinanong ni Hesus ang kanyang mga alagad, “Ano ba’ng pinagtatalunan ninyo sa daan?” Hindi sila kumibo, sapagkat ang pinagtatalunan nila’y kung sino sa kanila ang pinakadakila. Naupo si Hesus, tinawag ang Labindalawa at sinabi, “Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.” Tinawag niya ang isang maliit na bata, at pinatayo sa harapan nila. Pagkatapos, kinalong niya ito at sinabi, “Ang sinumang tumanggap sa isang maliit na batang tulad nitong alang-alang sa akin ay tumatanggap sa akin; at sinumang tumanggap sa akin – hindi ako ang kanyang tinatanggap kundi ang nagsugo sa akin.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


Naranasan mo na ba maging lider ng isang pangkat; sa klase, sa group project o kaya pinuno ng inyong barkada. Ano ang pakiramdam na ginagawa at sinusunod ng iyong mga kasamahan ang iyong direksyon o mga nais mong mangyari? Isipin naman kung sino ang tinitingala mong lider. Bakit sila naka-aakit at nagbibigay inspirasyon sa iyo na sumunod at suportahan ang kanilang isinusulong na gawain? 

Sa pagpapatuloy ng sipi ng Ebanghelyo sa nakaraang linggo kung saan sinabi ni Hesus na nakatakda siyang maghirap at mamatay, sinikap ni Hesus na itama ang mga alagad sa pagkaunawa nila ukol sa paglilingkod sa kapwa. Nadatnan ni Hesus na nagtatalu-talo ang mga alagad kung sino sa kanila ang pinaka dakila. 

“Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.” Marcos 9:35


Hinahangad ko ba ang mataas na katungkulan o simpleng lingkod sa pamayanan at simbahan?

Mula pa noong unang panahon ay likas na sa mga tao ang maghangad ng kapangyarihan. Ang tingalain at hangaan ng maraming tao… ang sundin ang kanilang bawat utos at salita. Sa kasamaang palad, ito rin ang nagiging sanhi ng maraming away at hidwaan lalo na kung ipinipilit ang sarili bilang pinakamataas sa lahat. 

Ito ang sinisikap na ituro ni Hesus hindi lang sa Kanyang mga alagad kundi sa ating lahat. Ang pagiging pinakamataas ay siyang pinakamababang lingkod. Ang ibig sabihin nito ay isinasantabi natin ang ating pansariling kapakanan para sa iba, lalo na sa higit na nangangailangan! Hinahamon tayo ni Hesus na maging mababa ang loob sa pakikiharap sa ibang tao at maglingkod na walang hinihintay na pagpaparangal o gantimpalang kapalit ng kabutihan. Ang taong makagagawa nito ay siyang magiging pinakadakila sa Kanyang mga mata.   

Sa aking munting paraan, paano ako makapaglilingkod sa kapwa? Ngayong linggo, isipin kung ano ang maitutulong sa kapamilya, kaibigan, kapit-bahay o kaklase.  

🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

+ Panginoong Hesus, pagkalooban mo kami ng kababaang-loob at paglilingkod nang kami’y maging mga kasangkapan ng iyong pagmamahal sa lahat ng aming mga kapatid, lalo na sa mga nagdurusa. Ikaw na nagpakasakit at patuloy na kumakalinga nang walang hanggan. Amen.

Source

#catholic #catholictiktok #gospel #catholiceducation #catholiclife #gospelmessage #GospelToday #katoliko #gospeltiktok #catholiccatechism #proudkatoliko #catholiclife #catholicandproud

Ika-4 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay

Ika-3 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay