Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon: Naghahari sa mga tao ang pananabik sa pagdating ng Mesiyas at ang akala ng marami’y si Juan ang kanilang hinihintay. Kaya’t sinabi ni Juan sa kanila, “Binibinyagan ko kayo sa tubig, ngunit ang darating na kasunod ko ang magbibinyag sa inyo sa Espiritu Santo at sa apoy. Siya’y makapangyarihan kaysa sa akin, at ni hindi ako karapat-dapat magkalag ng tali ng kanyang panyapak.”
Nabinyagan na noon ang lahat ng tao, gayun din si Hesus. Nang siya’y nananalangin, nabuksan ang langit at bumaba sa kanya ang Espiritu Santo sa anyong kalapati. At isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagmamasid
Naalala mo pa ba nung kayo ay bininyagan? Marahil hindi, dahil karaniwan sa ating mga Katoliko ay bininyagan habang tayo ay mga baby pa. Ito ang tanda ng pagiging kaanib natin sa simbahan at nagiging hudyat ng ating kaligtasan! Si Hesus bilang tao ay bininyagan din ngunit hindi tulad natin, Siya ay bininyagan na nang Siya ay tatlongpung taong gulang na! Ngunit tulad nang pagbibinyag sa atin, ito ay hudyat din ng pagsisimula ng Kanyang misyon sa lupa.
Paghahawi
Noong panahong iyon, marami ang nasasabik sa pagdating ng manunubos. Kaya’t nang magsimula na ang pangangaral at pagbibinyag ni San Juan Bautista, marami ang naniniwala na siya na ang “magliligtas” sa sangkatauhan. Sa sipi ng Ebanghelyo ngayon, tahasang inihayag ni San Juan na siya ay tagapaghanda lamang ng daan para sa Mesiyas.
“Binibinyagan ko kayo sa tubig, ngunit ang darating na kasunod ko ang magbibinyag sa inyo sa Espiritu Santo at sa apoy.” Lucas 3:16
Pagtatabas
Ano ang higit kong hinahangaan kay Juan Bautista?
Pagsasaayos
Sa ating pagbibinyag, nawawala na ang kasalanang minana o original sin. Sa pamamagitan ng unang hakbang na ito bilang Kristiyano ay naging bahagi tayo ng simbahan at hudyat na tayo’y maliligtas! Kasabay nito ay ang hamon sa ating lahat na maging mabuti at isabuhay ang mga turo ni Hesus. Hindi ito madali dahil maraming pagsubok ang darating sa ating buhay. Sa mga panahon ng kahinaan, maaari tayong mahulog sa tukso o mapariwara ng lubusan.
Ito ang kagandahan ng pagiging Anak ng Ama sa Langit, gaano kalaki o kadalas man tayo magkasala, ito ay mapapatawad hangga’t tayo’y nagsisisi at tumatanggap ng pagkakasala.
Sikapin nating isabuhay ang kabutihan – sa ating sa sarili at sa ating kapwa. Nawa sa pagsisimula ng taon, makita at maramdaman ng lahat ang presensya ng Panginoon sa ating katauhan.
Pagdiriwang
Pagnilayan: Ano ang aking kahinaan sa pagsasabuhay ng mga pangako sa aking binyag?
🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

🙏 Manalangin tayo…
+ Panginoong Hesus, sa pagbibinyag sa iyo, tinanggap mo ang bigat ng aming mga kasalanan. Nawa mapagaan namin ang gayong pasanin sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa aming mga pangako sa binyag. Isinasamo namin ito sa iyo na aming kapatid at Panginoon. Amen!