Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, nang makita ng mga tao na wala na si Hesus, ni ang kanyang mga alagad, sa lugar na kinainan ni Hesus ng tinapay, sila’y sumakay sa mga bangka at pumunta rin sa Capernaum upang hanapin si Hesus.
Nakita nila si Hesus sa ibayo ng lawa, at kanilang tinanong, “Rabi, kailan pa kayo rito?” Sumagot si Hesus, “Sinasabi ko sa inyo: hinahanap ninyo ako, hindi dahil sa mga kababalaghang nakita ninyo, kundi dahil sa nakakain kayo ng tinapay at nabusog. Gumawa kayo, hindi upang magkaroon ng pagkaing nasisira, kundi upang magkaroon ng pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Ibibigay ito sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat siya ang binigyan ng kapangyarihan ng Diyos Ama.” Kaya’t siya’y tinanong nila, “Ano po ang dapat naming gawin upang aming maganap ang kalooban ng Diyos?” “Ito ang ipinagagawa sa inyo ng Diyos: manalig kayo sa sinugo niya,” tugon ni Hesus. “Ano pong kababalaghan ang maipakikita ninyo upang manalig kami sa inyo? Ano po ang gagawin ninyo?” tanong nila. “Ang aming mga magulang ay kumain ng manna sa ilang, ayon sa nasusulat, ‘Sila’y binigyan niya ng pagkaing mula sa langit,’” dugtong pa nila. Sumagot si Hesus, “Dapat ninyong malamang hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng pagkaing mula sa langit, kundi ang aking Ama. Siya ang nagbibigay sa inyo ng tunay na pagkaing mula sa langit. Sapagkat ang pagkaing bigay ng Diyos ay yaong bumaba mula sa langit at nagbibigay-buhay sa sanlibutan.” “Ginoo,” wika nila, “bigyan po ninyo kaming lagi ng pagkaing iyon.” “Ako ang pagkaing nagbibibgay-buhay,” sabi ni Hesus. “Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom, at ang nananalig sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagmamasid
Pasukan na naman! Siyempre, mayroon tayong baon sa school… ang iba kanin at ulam, ang iba mga prutas, ang iba tinapay na may palaman. Sa pagkain natin ng tuwing recess o lunch break ay naiibsan ang ating gutom at nanunumbalik ang ating lakas. Ngunit alam mo ba na may pagkain na kapag kinain natin ay hindi na tayo muling magugutom pa?
Paghahawi
Ang sipi ng ebanghelyo ngayong linggo ay karugtong noong nakaraang linggo kung saan pinakain ni Hesus ang limanlibong tao ng tinapay at isda. Namangha sila ng husto kaya’t hinanap nila si Hesus upang muling makakain. Inihambing nila ang ginawa ni Hesus na pagpapakain kay Moises at ang manna sa disyerto. Tugon ni Hesus…
“Ako ang pagkaing nagbibibgay-buhay,” sabi ni Hesus. “Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom, at ang nananalig sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman.” Juan 6:35
Pagtatabas
Madalas ko bang tanggapin si Jesus sa anyo ng tinapay at alak?
Pagsasaayos
Nabubuhay tayo sa mundo na ang lahat ay “instant”. Hindi na lang noodles ang “instant” ngayon! Nasanay na tayo na makuha natin ang ating mga kagustuhan ng mabilis. Ngunit dahil din dito, parang hindi lubusang naiibsan ang mga pangangailangan natin. Mas nagiging maggugutumin tayo. Naghahangad din tayo ng mas marami pang bagay. Dahil na rin ito sa hindi na natin tuluyang pinag-hihirapan ang mga bagay. Kaya’t hindi na rin natin ito masyadong nabibigyan ng kaukulang pagpapahalaga.
Kung susuriin ang aral ng ebanghelyo ay tila ganon din naman ang hangad ng mga tao kaya hinahanap nila si Hesus. Hindi upang busugin ang kanilang kaluluwa kundi ang bigyan sila muli ng makakain. Hindi nila naunawaan na ang lahat ng pagkaing nakapagpapabusog sa kanila ay nanggaling sa Diyos Ama na ngayon ay Hesus na ang namamagitan.
Si Hesus ang tinapay ng buhay mula sa Langit. Sa ating pagtanggap ng Kanyang katawan ay hinahamon tayo na tularan Siya at isabuhay ang Kanyang mga aral. Binubusog Niya ang higit na mas mahalaga sa atin… ang ating kaluluwa. Sa lubos na pagsunod sa Kanya ay matutunton natin ang buhay na walang hanggan.
Pagdiriwang
Magsimba tayo at mag-komuniyon… ito ang katawan ni Kristo. Sikapin nating makinig at makiisa ng lubusan sa pagdiriwang. Magdasal tayo upang tulungan tayo ni Hesus na maisabuhay natin ang Kanyang mga turo.
🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

🙏 Manalangin tayo…
+ Hesus, Ikaw ang salitang nagbibigay-buhay. Patuloy mo akong isugo at bigyan ng lakas na ipahayag ka saan man sulok ng daigdig. Hipuin Mo ang puso ng mga taong hindi pa bukas na tumanggap ng iyong salita, sa tulong ng Espiritu Santo, magpasawalang hanggan.