Hesus, ang Tunay na Tinapay Mula sa Langit

Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon
Marcos 7:1-8. 14-15. 21-23

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, may mga Pariseo at ilang eskribang galing sa Jerusalem, na lumapit kay Hesus. Nakita nila na ang ilan sa mga alagad ni Hesus ay kumain nang hindi muna naghugas ng kamay sa paraang naaayon sa turong minana nila.

Ang mga Judio, lalo na ang mga Pariseo, ay hindi kumakain hangga’t hindi nakapaghuhugas ng kamay ayon sa mga turong minana nila sa kanilang mga ninuno. Hindi rin sila kumakain ng anumang galing sa palengke nang hindi muna ito hinuhugasan. At marami pang ibang minanang turo ang kanilang sinusunod, tulad ng tanging paraan ng paghuhugas ng mga inuman, ng mga saro, ng mga sisidlang tanso, at mga higaan.

Kaya’t tinanong si Hesus ng mga Pariseo at mga eskriba, “Bakit hindi sumusunod ang mga alagad mo sa mga turo ng ating mga ninuno? Kumain sila nang hindi man lamang naghugas ng kamay ayon sa paraang iniutos!” Sinagot sila ni Hesus, “Tama ang hula ni Isaias tungkol sa inyo. Mapagpaimbabaw nga kayo, gaya ng kanyang isinulat:

‘Paggalang na handog sa ‘kin ng bayan ko’y paimbabaw lamang,
sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal.
Pagpuri’t pagsambang ginagawa nila’y walang kabuluhan,
ang utos ng tao ay itinuturong utos ng Maykapal.’

Niwawalang-kabuluhan nga ninyo ang utos ng Diyos, at ang sinusunod ninyo’y ang turo ng tao.”
Muling pinalapit ni Hesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat, at unawain ang aking sasabihin! Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nakapagpaparumi sa kanya sa mata ng Diyos kundi ang mga nagmumula sa kanya.

“Sapagkat sa loob – sa puso ng tao – nagmumula ang masasamang isipang nag-uudyok sa kanya na makiapid, magnakaw, pumatay, mangalunya, mag-imbot, at gumawa ng lahat ng kabuktutan, tulad ng pagdaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, kapalaluan, at kahangalan. Ang lahat ng ito’y nanggagaling sa puso ng tao, at siyang nagpaparumi sa kanya.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.



Alam mo ba kung ano ang mga pamahiin? Ito ay mga kaalaman, tuntunin o kaugalian na ipinapasa ng mga nakatatanda sa atin. May batayan ito ng mga bagay na dapat nating sundin kung hindi ay magreresulta sa di magandang pangyayari o kababalaghan sa ating buhay. Tulad na lang ng “pagpapagpag” sa kadahilanang maaaring sumama sa’yo ang espiritu sa iyong tahanan, o kaya ang hindi pagtulog ng basa ang buhok dahil nakakabulag o ang di pagwawalis sa gabi dahil nakapagtataboy ng suwerte.


Pinupuluaan ng mga pariseo at eskriba ang mga alagad ni Hesus sa di pagsunod nito sa mga kaugalian na ayon sa kanila ay nanggaling sa Panginoon. Sinagot sila ni Hesus:


Mas binibigyan ko ba ng halaga ang tradisyon at pamahiin kaysa sa turo ni Hesus?


Likas na maraming kaugalian at pamahiin ang mga Pilipino. Nakaugat na ito sa ating kultura. Ngunit ang hamon sa atin ni Hesus bilang mga Kristiyano ay ang suriing mabuti kung anong mga batas at kaugalian ang nararapat nating isabuhay. Ang grasya ay nagmumula sa mga bagay na lumalabas sa ating puso’t isipan at hindi sa mga pamahiin o kaugalian na walang kinalaman sa ating pananampalataya.

Bilang mga bata, marahil ay hindi pa natin alam ang karamihan sa mga gawaing ito na nakakasira sa ating kalooban. Ngunit mainam na mamulat ang ating kaisipan na sa pamamagitan lamang ng turo ni Hesus tulad ng pagmamahal sa ating kapwa at paglilingkod sa nangangailangan ang susi sa buhay na walang hanggan.


Pagnilayan natin ang mga bagay na nakapagdudulot sa atin na gumawa ng kasamaan? Isipin kung bakit natin ito naiisip o nagagawa. Kumatha ng maikling panalangin upang tulungan tayo ni Hesus na maging mapagmahal sa kapwa at isabuhan ay kabutihan.


+ Hesus, Ikaw ang salitang nagbibigay-buhay. Patuloy mo akong isugo at bigyan ng lakas na ipahayag ka saan man sulok ng daigdig. Hipuin Mo ang puso ng mga taong hindi pa bukas na tumanggap ng iyong Salita, sa tulong ng Espiritu Santo, magpasawalang hanggan.

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

Ika-4 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay

Ika-3 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay