Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, bumalik kay Hesus ang mga apostol at iniulat ang lahat ng kanilang naisagawa at naituro. Napakaraming taong dumarating at umaalis, anupat hindi na makuhang kumain ni Hesus at ng kanyang mga alagad. Kaya’t sinabi niya sa mga ito, “Magtungo kayo sa isang ilang na pook upang malayo sa karamihan at makapagpahinga kayo nang kaunti.” Umalis silang lulan ng bangka, at nagpunta nga sa isang ilang na dako.
Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis at nakilala sila. Kaya’t mula sa lahat ng bayan, ang mga tao’y patakbo ng tumungo sa dakong pupuntahan nina Hesus at nauna pang dumating doon ka sa kanila. Paglunsad ni Hesus, nakita niya ang napakaraming tao; nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol. At sila’y tinuruan niya ng maraming bagay.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagmamasid
Lahat tayo ay may ginagampanang papel o tungkulin sa buhay. Nag-iiba ito ayon sa yugto ng ating buhay. Bilang mga bata, marahil tayo’y mga mag-aaral, kaibigan at anak. Ang bawat papel na ginagampanan natin ay may katapat na mga gawain. Inaasahan tayong maging mabuting mag-aaral: gumagawa ng assignment, nag-aaral para sa exam at makakuha ng mataas na grades. Sa tahanan naman ay marami tayong gawaing bahay: maghugas ng pinggan, alagaan ang kapatid, magwalis o magbunot ng sahig. Anong gagawin natin kapag nagsama-sama at nagsabay-sabay na ang lahat ng ito? Hindi ba’t tayo’y napapagod at minsan naguguluhan kung ano ang uunahin? Anupa’t parang minsan gusto na lang nating sumuko at matulog na lamang
Paghahawi
Nagbalik na ang mga apostoles ni Hesus upang mag-ulat. Ngunti imbis na makapag-pahinga ay lalo silang napagod dahil sa dami ng taong kailangang tulungan! Ninais ni lang magpahinga sandali sa tahimik na lugar upang makapag pahinga ngunit dinumog din sila ng maraming tao pagdating nila sa kabilang pampang.
“Paglunsad ni Hesus, nakita niya ang napakaraming tao; nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol. At sila’y tinuruan niya ng maraming bagay.” Marcos 6:34
Pagtatabas
Sumusuko ba ako kapag nagiging napakalaki at nakakalula na ang dami ng kailangan kong gawin?
Pagsasaayos
Lahat tayo ay na-i-istress. At wala itong pinipiling edad. Kahit na bata pa tayo ay marami tayong mga tungkulin at gawain na minsan ay nag patong-patong na. Ngunit hindi pagsuko ang solusyon sa nakakalula ng pagod at gawain.
Hinihikayat tayo ni Hesus na magpahinga ng sandali at sikaping magpatuloy. Kailangan nating magdasal at ialay kay Hesus ang lahat ng nararanasan nating hirap at pagkalito. At maari tayong humingi ng tulong; huwag nating solohin ang ating mga problema. Isipin natin na may mga mahal tayo sa buhay at mga kaibigan na maaari nating makasama upang gumaan ang gawain.
Isipin din natin ang mga pari at mga relihiyoso. Napansin mo ba na walang asawa ang mga pari? Dahil tulad ni Hesus, inaasahan sila na buong puso’t isipan na ibuhos ang kanilang panahon sa paglilingkod. Ang sambayanan o ang mga parokyano nila ang kanilang pamilya. Kaya’t bilang mga Katoliko ay mahalaga na tulungan din natin sila, sa pamamagitan ng pagdadasal, pag-aalay ng oras at talento sa paglilingkod sa simbahan.
Pagdiriwang
Kanino ako humuhugot ng lakas kapag nalulula na ako sa dami ng gawain?
Kumatha ng panalangin para sa mga pari na tulad ni Hesus ay walang kapaguran sa paglilingkod sa pamayanan. Naglilingkod ba ako sa simbahan?
🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

🙏 Manalangin tayo…
+ Panginoon, lingapin mo ng iyong pagmamahal ang mga pastol ng Simbahan, lalo na ng aming pamayanan. Pagpalain mo ang kanilang mga pagsisikap. Palakasin mo sila at gawin silang mapagbigay habang nagsisikap silang tumulad kay Hesus, ang ating mapagmahal na Mabuting Pastol na nabubuhay at naghahari magpakailanman.