Eukaristiya, Ang Pagkai’t Inumin ng Buhay na Walang  Hanggan

Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon
Juan 6:51-58

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan


Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao: “Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.”


Dahil dito’y nagtalu-talo ang mga Judio. “Paanong maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang laman upang kanin natin?” tanong nila. Kaya’t sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo: malibang kanin inyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggang, at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw. Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo, tunay na inumin. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako sa kanya. Buhay ang Amang nagsugo sa akin, at ako’y nabubuhay dahil sa kanya. Gayon din naman, ang sinumang kumain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. Ito ang pagkaing bumaba mula sa langit; ang kumakain nito’y mabubuhay magpakailanman. Hindi ito katulad ng kinain ng inyong mga magulang sa ilang; namatay sila bagamat kumain niyon.”


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.



Nagsisimba ka ba linggu-linggo? Ano ang ginagawa natin sa simbahan kapag may misa? Tayo ba ay nakikinig at sumasagot? O naglalaro at lumilipad ang isip natin kung saan saan? Sino nga ba ang nakakasama natin bukod sa ating mga mahal sa buhay kapag tayo’y nagmimisa at bakit mahalaga na ituon natin ang ating buong puso’t isipan sa misa?


Sa ikatlong linggo ay ipinahiwatig ni Hesus sa mga tao na Siya ang Tinapay na nagbibigay buhay. Ang sinumang kumain ng Kanyang dugo’t laman ay hindi mamamatay kailanman.


Binubusog ko ba ang aking espiritu sa pamamagitan ng palagiang pagtanggap kay Hesus sa Sakramento ng Banal na Eukaristiya?


Ibinigay sa atin ng Diyos ang lahat ng ating pangangailangan, pisikal man o espirituwal. Handa ba akong tumanggap sa alok ni Jesus na tinapay ng buhay? At kalakip sa aking pagtanggap ang pagtalikod ko sa aking kamangmangan, at sa aking mga asal na di naayon sa utos ng Diyos.


Patuloy na maki-isa ng buong puso’t isipan sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya at tumanggap ng komuniyon.

🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

+ Hesus, ikaw ang salitang nagbibigay-buhay. Patuloy mo akong isugo at bigyan ng lakas na ipahayag ka saan man sulok ng daigdig. Hipuin Mo ang puso ng mga taong hindi pa bukas na tumanggap ng iyong salita, sa tulong ng Espiritu Santo, magpasawalang hanggan.

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

Ika-4 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay

Ika-3 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay