Ang Plano ng Diyos para sa Pamilya ng Tao

Ika-27 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Marcos 10:2-16

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos


Noong panahong iyon, may mga Pariseo Ng lumapit kay Hesus. Ibig nilang masilo siya kaya’t kanilang tinanong, “Naaayon ba sa Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa?” Tugon niya, “Ano ang utos sa inyo ni Moises?” Sumagot naman sila, “Ipinahintulot ni Moises na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa matapos bigyan ng kasulatan sa paghihiwalay.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Dahil sa katigasan ng inyong ulo kaya niya inilagda ang utos na ito. Subalit sa pasimula pa, nang likhain ng Diyos ang sanlibutan: ‘Nilalang niya silang lalaki at babae. Dahil dito’y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at magsasama sila ng kanyang asawa, at sila’y magiging isa.’ Kaya’t hindi na sila dalawa kundi isa. Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.”


Pagdating sa bahay, ang mga alagad naman ang nagtanong kay Hesus tungkol sa bagay na ito. Sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang lalaking humiwalay sa kanyang asawa at mag-asawa sa iba ay gumagawa ng masama sa kanyang asawa – siya’y nangangalunya. At ang babaing humiwalay sa kanyang asawa at mag-asawa sa iba ay nangangalunya rin.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


Sa panahon ngayon, pansinin ang iba’t ibang uri ng pamilyang tanggap sa lipunan. Sa inyong kapitbahayan o sa mga kaklase, maging sa mga napapanood natin sa telebisyon, makikita na ang ilang mag-asawa ay hiwalay o kaya’y may mga pamilya na dalawa ang tatay, o dalawa ang nanay o kahit buhay pa ang magulang ay ang mga lolo’t lola ang nagpapalaki. Tila patok na patok pang palabas ang may sampalan ng isang asawa at babaeng kinakasama ng ama! Ang pagbabago at pagtanggap na ito ay ayon ba sa kautusan?

Ayon sa kasaysayan ay pinapayagan ng batas ng mga Hudyo ang paghihiwalay ng mag-asawa kung isasaayos ang mga papeles na naaayon pa mula noong panahon ni Moises. Pinabubuluanan ito ni Hesus at sinasabing pinayagan lamang ito dahil sa katigasan ng ulo ng mga tao.

Nais ba ni Jesus ang paghihiwalay ng mag-asawa? Bakit?

Sa paglikha ng Diyos sa tao ay may magkatambal ang lalaki at ang babae. Sa kanilang pag-iisa sa pamamagitan ng banal na Sakramento ng Kasal ay kinukumpleto ang kakulangan ng bawa’t isa sa pagtataguyod ng pamilya. Ngunit tulad ng lahat ng magagandang bagay na nilikha ng Panginoon ay unang sinisira ng tukso ng demonyo na nagiging sanhi ng selos, pagkawalang tiwala at paghihiwalay.

Maraming dinadaanang pagsubok sa buhay ang mag-asawa! Kahit mahal na mahal nila ang isa’t isa, maraming nangyayari sa pagsasama nila na maaaring humantong sa kanilang paghihiwalay.

Kasalanan at labag sa ika-6 na utos ang paghihiwalay at pagsasama ng mag-asawa sa iba dahil hindi pinahihintulutan ng simbahan ang diborsyo. Sumumpa sila sa altar at sa harap ng Diyos na magsasama sila habang-buhay. Sa panahon ng pagsubok, kumapit sa Diyos upang tulad ng ibang problema sa buhay, ito’y mapagsikapang malampasan. Kaya’t kinakailangan na laging nasa sentro ng pag-sasama ng mag-asawa ang Diyos. Sa biyaya at tulong ng Diyos, mas may pag-unawa, pasensiya, pagpapatawad, at di-makasariling pagmamahal sa asawa.

Nasa sentro ba ng inyong pamilya ang Panginoon? Magdasal kasama ang pamilya at manalanging manatiling matatag ang pagsasama ng lahat sa kabila ng lahat ng pagsubok at paghihirap na kinahaharap ng lahat ng miyembro ng pamilya.

🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

+ Panginoong Diyos, sa Iyong plano para sa sangkatauhan, ibig Mo na ang bawat pamilya ay maging isang sakramento ng Iyong mabungang pagmamahal. Pagkalooban Mo ang lahat ng pamilya ng kasaganaan ng Iyong biyaya at kasiyahan ng Iyong presensiya. Isinasamo namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen!

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

Ika-4 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay

Ika-3 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay