Ang Pinakamabuting Paghahanda Para sa Katapusan ng Daigdig

Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon
Marcos 13:24-32

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Sa mga araw na iyon, pagkatapos ng mga napakalaking kapighatian, magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan, malalaglag mula sa langit ang mga bituin, at mayayanig ang mga kapangyarihan sa kalawakan. At makikita ang Anak ng Tao na nasa alapaap, dumarating na may dakilang kapangyarihan at malaking karangalan. Susuguin niya ang kanyang mga anghel sa apat na panig ng daigdig at titipunin nila ang mga hinirang ng Diyos, mula sa lahat ng dako.

“Unawain ninyo ang aral mula sa puno ng igos: kapag sumisipot na ang mga dahon sa sanga nito, alam ninyong malapit na ang tag-araw. Gayun din naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga bagay na ito, malalaman ninyong malapit na ang panahon ng pagparito niya – nagsisimula na. Tandaan ninyo: magaganap ang mga bagay na ito bago mamatay ang mga taong nabubuhay sa ngayon. Mawawala ang langit at ang lupa, ngunit ang mga salita ko’y hindi magkakabula.

“Ngunit walang nakaaalam ng araw o oras ng pagsapit niyon, kahit ang mga anghel sa langit o ang Anak man – ang Ama lamang ang nakakaalam nito.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


Isipin ang mga matitinding karanasan sa iyong buhay na sa iyong palagay ay katapusan na ng iyong mundo? Nagdidilim ang paligid, wala na tayong ganang kumain at tila nawawalan ng saysay ang buhay. Tayo ay iiyak at magmumukmok sa ating mga kuwarto. 

Sa ating paglaki, pagdami at paglawak ng karanasan sa ating buhay, maiisip na ang iba nating mga pinagdadaanan at ating reaksyon dito ay katawa-tawa o mababaw. Hindi tuluyang nagunaw ang ating mundo! 

Inilarawan ni Hesus ang magaganap na nalalapit na pagbagsak at pagkagunaw ng mundo. Kasunod nito ay ang paghirang Niya ang Kanyang sarili na ‘Anak ng Tao’ at ang Kanyang maluwalhating muling pagbabalik sa mundo.  

Ako ba ay madaling mabahala ng mga malimit na hula sa katapusan ng daigdig? Bakit?

Kung pagninilayang maigi, marami nang nagaganap na katapusan sa ating munting mundo. Minsan ito ay dumarating sa mga masasakit na pangyayari: ang nakakalungkot na paghihiwalay ng magulang, ang pagpanaw ng mahal sa buhay, o ang pagbagsak ng kabuhayan ng ating pamilya. 

Ano ang ginawa mo upang malagpasan ito? Lumapit ka ba, nagdasal at humingi ng tulong at lakas mula sa Panginoon? Ialay natin sa Kanya ang lahat ng ating pinagdadaanan. At hindi natin mamamalayan, may mga pagbabagong magaganap sa ating buhay dahil darating Siya o magpapadala siya ng mga “anghel” na maaaring sa ibang katauhan o pangyayari na makapag-aayos ng lahat sa ating buhay. 

Huwag tayong mawawalan ng pag-asa. Tanging sa pagkapit natin sa Panginoon tayo makakatagpo ng kaginhawaan.

Pagtuunan ng pansin ang ating mga espirituwal, pisikal at emosyonal na sarili. Paano tayo naghahanda sa mga dagok na darating sa ating buhay? Paano mawawala ang takot sa mga madilim na yugto sa hinaharap? 

🙏 Manalangin tayo…

+ Ama naming maluwalhati, isugo mo sa amin ang iyong Banal na Espiritu upang mapuspos kami ng walang kupas na sigasig para maihanda ang aming mga sarili at ang lahat ng aming makakasalamuha sa buhay na ito para sa maluwalhating pagbabago ng daigdig sa pagbabalik ng aming nililiyag, ang iyong Anak, na si Hesukristong aming Panginoon. Amen!

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

Ika-4 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay

Ika-3 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay