Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Dumating noon ang ilang tao at ibinalita kay Hesus na ipinapatay ni Pilato ang ilang Galileo samantalang ang mga ito’y naghahandog sa Diyos. Sinabi niya sa kanila, “Akala ba ninyo, higit na makasalanan ang mga Galileong ito kaysa ibang mga taga-Galilea dahil sa gayun ang sinapit nila? Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo: kapag hindi ninyo pinagsisihan at tinalikdan ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong lahat. At ang labingwalong namatay nang mabagsakan ng tore sa Siloe – sa akala ba ninyo’y higit silang makasalanan kaysa ibang naninirahan sa Jerusalem? Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo: kapag hindi ninyo pinagsisihan at tinalikdan ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong lahat.”
Sinabi sa kanila ni Hesus ang talinghagang ito: “May isang tao na may puno ng igos sa kanyang ubasan. Minsan, tiningnan niya kung may bunga ito, ngunit wala siyang nakita. Kaya’t sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, ‘Tatlong taon na akong pumaparito at naghahanap ng bunga sa punong ito, ngunit wala akong makita. Putulin mo na! Nakasisikip lang iyan!’ Ngunit sumagot ang tagapag-alaga, ‘Huwag po muna nating putulin sa taong ito. Huhukayan ko ang palibot at lalagyan ng pataba. Kung mamunga po ito sa darating na taon, mabuti; ngunit kung hindi, putulin na natin!’”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagmamasid
Tulad ng inaasahan ng sinuman, ang puno ay dapat namumunga. Isipin na may puno kayo ng manga sa inyong bahay o kaya mga tanim na calamansi o gulay na hindi namumunga. Kung hindi ito magbubunga, tayo na mismo ang puputol sa puno o sa halaman upang magtanim ng ibang mas makabuluhang halaman. Nakapanghihinayang di ba… ang mawalan ng buhay na hindi naging kapaki-pakinabang?
Paghahawi
Sa sipi ng Ebanghelyo ngayong linggo, ipinaliwanag ni Hesus na sa anumang paraan ay magwawakas ang buhay ng lahat ng tao sa mundo. Ngunit ang mahalaga, ay kung nabuhay sila sa kabutihan at kung nagkasala man ay tinalikuran na ang kasalanan, dahil kung hindi, ay hindi rin magiging maganda ang tutunguhin sa kabilang buhay.
“Kapag hindi ninyo pinagsisihan at tinalikdan ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong lahat.” Lucas 13:2
Pagtatabas
Maihahalintulad ko ba ang aking sarili sa puno ng igos na di nagbubunga?
Pagsasaayos
Tayo ay hinahamon ni Hesus, di lamang na mabuhay sa kabutihan, kundi maging mabungang tao. Ang bunga ng kabutihan ay lumalabas at nagiging kapaki-pakinabang na biyaya sa iba. Hindi lang para sa loob (o kalooban) ng tao; sa pagiging madasalin o palasimba! Hindi rin sapat na ika’y di lang gumagawa ng kasamaan. Inaasahan tayo ni Hesus na isabuhay din ang kabutihan sa kapwa; sa iba at sa aba.
At kung tayo’y madadapa, at mawawala sa tamang landas at kabutihan, tayo’y binibigyan ng pagkakataon ni Hesus na magsisi at talikuran ang kasalanan. Si Hesus ang naghuhukay ng pataba at nag-aalaga sa ating kalooban: nilalagyan niya ng “pataba” ang ating puso sa pamamagitan ng mga turo niya.
Pagdiriwang
Ngayong panahon ng Kuwaresma, isipin kung ano ang mga nagagawa nating kasalanan, ito’y pagsisihan at kung maaari ay magkumpisal.
🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

🙏 Manalangin tayo…
† O Panginoon, maraming salamat at binibigyan mo kami ng walang hanggang pagkakataon na mamuhay sa kabutihan. Tulungan Mo po kaming talikuran ang kasalanan at maging mabunga sa pamamagitan ng mga turo at aral ng Iyong anak na sa Hesus. Amen!