Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, habang paalis na si Hesus ay may isang lalaking patakbong lumapit, lumuhod sa harapan niya at nagtanong, “Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Sumagot si Hesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos. Alam mo ang mga utos: ‘Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang magsisinungaling sa iyong pagsaksi; huwag kang magdadaya; igalang mo ang iyong ama’t ina.’” “Guro,” sabi ng lalaki, “ang lahat po ng iya’y tinutupad ko na mula pa sa aking pagkabata.” Magiliw siyang tiningnan ni Hesus, at sinabi sa kanya, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Humayo ka, ipagbili mo ang iyong ari-arian at ipamigay sa mga dukha ang pinagbilhan, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.” Namanglaw ang lalaki nang marinig ito, at malungkot na umalis, sapagkat siya’y napakayaman.
Tiningnan ni Hesus ang mga nasa paligid niya at sinabi sa kanyang mga alagad, “Napakahirap mapabilang ang mayayaman sa mga pinaghaharian ng Diyos.” Nagtaka ang mga alagad sa pananalitang ito. Muling sinabi ni Hesus, “Mga anak, talagang napakahirap mapabilang sa mga pinaghaharian ng Diyos! Madali pang makaraan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa pasakop sa paghahari ng Diyos ang isang mayaman.” Lalong nagtaka ang mga alagad, kaya’t sila’y nagtanungan, “Kung gayo’y sino ang maliligtas?” Tinitigan sila ni Hesus at sinabi sa kanila, “Hindi ito magagawa ng tao, ngunit hindi ito mahirap sa Diyos. Magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagmamasid
Naisip mo na ba kung gaano kayo ka yaman o ang iyong pamilya? Ano ang sukat ng yaman sa mundo? Nakakakain ba kayo ng masasarap na pagkain? Magaganda ba at laging bago ang iyong damit? Nakakabili ka ba ng kahit na ano ang gusto mo? Paano naman nagiging instrumento ng kabutihan ang kayamanan natin?
Paghahawi
Hindi lamang ang mga pariseo ang nagtatanong kay Hesus, maging ang ilang tagasunod din ay nagtatanong sa Kanya ng ilang mga paglilinaw. Sa sipi ng Ebanghelyo ngayong linggo ay inilahad ni Hesus ang mga nararapat gawin upang maging naaangkop na paraan upang maging Kanyang tunay na tagasunod.
“Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Humayo ka, ipagbili mo ang iyong ari-arian at ipamigay sa mga dukha ang pinagbilhan, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.” Marcos 10:22
Pagtatabas
Nagiging kasangkapang ba ng kabutihan ang yaman ko sa mundo?
Pagsasaayos
Binalangkas ni Hesus ang 3 bagay na kailangan gawin ng tao upang maging tunay Niyang tagasunod:
a. pagsunod sa mga Kautusan,
b. pagkalas sa kayamanang materiyal, at
c. pagiging isang alagad Niya.
Simple man itong tignan ay napakahirap nito sa maraming tao. Una, sa kahirapan na marahil ng buhay ay marami na tayong kautusan na nilalabag upang maginhawaan. Ikalawa, dahil sa mahirap makamtan ang yaman sa mundo ay nahihirapan dito tayo na ipamigay ito sa iba.
Hindi masamang maging mayaman o magkaroon ng kayamanan. Ngunit ginagamit ba natin ang mga biyayang ito sa kabutihan? Nakakatulong ba tayo sa ating kapwa o sinasarili natin at ipinagdadamot natin ito sa mga nangangailangan.
Hinahamon tayo ni Hesus na gamitin natin ang mga angking yaman natin para sa kabutihan sa pamamagitan ng pagbabahagi nito sa mga tunay na nangangailangan. Kung tayo ay wala namang yamang materyal, baka naman biniyayaan tayo ng oras at ng talento na maaari nating gamitin sa kabutihan; sa paglilingkod sa simbaha o sa pagbabahagi ng oras sa pagkakawang-gawa.
Pagdiriwang
Anong yaman ang maibabahagi ko para sa kabutihan? Umisip ng paraan upang makapagbahagi sa nangangailangan ngayong linggo.
🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

🙏 Manalangin tayo…
+ Hesus, Ikaw ang salitang nagbibigay-buhay. Patuloy mo akong isugo at bigyan ng lakas na ipahayag ka saan man sulok ng daigdig. Hipuin Mo ang puso ng mga taong hindi pa bukas na tumanggap ng iyong Salita, sa tulong ng Espiritu Santo, magpasawalang hanggan.