Ang Pagpapahalaga sa mga Taong Aba

Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon
Marcos 12: 38-44

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos


Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang pagtuturo. “Mag-ingat kayo sa mga eskriba na mahilig maglalakad nang may mahabang kasuutan at natutuwang pagpugayan sa mga liwasan. Ang ibig nila’y ang mga tanging luklukan sa mga sinagoga, at ang mga upuang pandangal sa mga piging. Inuubos nila ang kabuhayan ng mga babaing balo, at ang sinasangkala’y ang pagdarasal nang mahaba! Lalo pang bibigat ang parusa sa kanila!”
Umupo si Hesus sa tapat ng hulugan ng mga kaloob doon sa templo, at pinagmasdan ang mga taong naghuhulog ng salapi. Maraming mayayamang naghulog ng malalaking halaga. Lumapit naman ang isang babaing balo at naghulog ng dalawang kusing na katumbas ng isang pera. Tinawag ni Hesus ang kanyang mga alagad at kanyang sinabi, “Sinasabi ko sa inyo: ang dukhang balong iyon ay naghulog ng higit sa kanilang lahat. Sapagkat ang iba’y nagkaloob ng bahagi lamang ng hindi na nila kailangan, ngunit ibinigay ng balong ito na dukhang-dukha ang buo niyang ikabubuhay.”


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


Tuwing ikaw ay nagsisimba, ano ang napapansin mo sa bahagi ng pag-aalay o offertory? Marami tayong naririnig na kumakalansing na barya at naririnig natin ito sa pagbagsak nito sa basket. May pagkakaiba ba ang pag-aalay ng barya o ng malaking halaga sa mata ng Panginoon?

Nagtungo si Hesus sa tapat ng hulugan ng kaloob sa templo at pinagmasdan ang mga nag-aalay doon. Inilahad Niya sa kanyang mga alagad ang kaibahan ng mga mayayamang naghuhulog ng malalaking salapi laban sa dalawang kusing na inihulog ng babaeng balo.

Nagbabahagi ba ako sa simbahan nang taos sa aking puso?

Ang pagiging bukas-palad ay hindi nasusukat sa laki ng kanyang ibinibigay kundi ang kaloobang nag-uudyok na magbigay. Ang pagbibigay ay nanggagaling sa puso, hindi sa bulsa. Marami ang nagbibigay ng malaki ngunit hindi ito wagas sa kanilang kalooban ngunit ang iba naman ay kaunti ngunit bahagi ito ng kanilang pangangailangan.

Hindi lamang salapi ang maibibigay natin sa simbahan at sa kapwa! Maaari din itong oras o talento. Maaari tayong mag volunteer at maglaan ng oras sa pagluluto o paghahanda ng pagkain sa feeding, o kaya mag-alay ng oras para tumulong sa katekesis. Maaari din tayong maglingkod sa pagkanta, o pagbabasa sa Misa. Maaari din tayong maglaan ng oras upang bisitahin o kamustahin ang mga matatanda at may sakit.

Kalugod-lugod sa Diyos kung nagbabahagi tayo ayon sa kanyang kalooban na may galak sa ating puso. Gaano man kaliit o kalaki ang ating bahagi, ang mahalaga ibinibigay natin nang walang pag-iimbot bagkus may pagpapakumbaba.

Suriin ang sarili: sa aking munting paraan, ano ang maiaalay ko upang makatulong sa nangangailangan?

🙏 Manalangin tayo…

+ Ama, turuan mo akong maging bukas-palad sa pagbibigay para sa simbahan at sa mga nasa laylayan ng lipunan.

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

Ika-4 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay

Ika-3 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay