Ang Nagpapakilala Sa Ating Pagkatao

Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lucas 6, 39-45

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, tinanong ni Hesus ang kanyang mga alagad nang patalinghaga: “Maaari bang maging tagaakay ng bulag ang isa ring bulag? Kapwa sila mahuhulog sa hukay kapag ginawa ang gayun. Walang alagad na higit sa kanyang guro; ngunit kapag lubusang naturuan, siya’y magiging katulad ng kanyang guro.

“Ang tinitingnan mo’y ang puwing ng iyong kapatid ngunit hindi mo pinapansin ang tahilan sa iyong mata. Paano mo masasabi sa iyong kapatid, ‘Kapatid, bayaan mong alisin ko ang iyong puwing,’ gayung hindi mo nakikita ang tahilang nasa iyong mata? Mapagpaimbabaw! Alisin mo muna ang tahilan sa iyong mata, at makakikita kang mabuti; sa gayo’y maaalis mo ang puwing ng iyong kapatid.”

“Walang mabuting punongkahoy na namumunga ng masama, at walang masamang punongkahoy na namumunga ng mabuti. Nakikilala ang bawat punongkahay sa pamamagitan ng kanyang bunga. Sapagkat hindi nakapipitas ng igos sa puno ng aroma, at di rin nakapipitas ng ubas sa puno ng dawag. Ang mabuting tao ay nakapagdudulot ng mabuti sapagkat tigib ng kabutihan ang kanyang puso; ang masamang tao ay nakapagdudulot ng masama, sapagkat puno ng kasamaan ang kanyang puso. Sapagkat kung ano ang bukambibig siyang laman ng dibdib.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


May lider o taong nakakataas ba sa iyo na lubos mong hinahangaan? Sino ito? Isang guro, pari o kaya taong may katungkulan tulad ng inyong kapitan sa barangay o kaya pulitiko… Maaaring miyembro din ng ating pamilya, tulad ng ating magulang o kaya kuya. Anu-anong mga katangian niya ang iyong hinahangaan? Siguro sila’y mabait, magalang, marunong rumespeto, mapagbigay o maka-Diyos…

Anong gagawin mo kung sa di sinasadyang pagkakataon ay makita mo ang kanilang tunay at itinatagong masamang ugali!? Hindi pala sila ang taong iyong hinahangaan? Napansin mong hindi pala sila magalang! Madali pala silang magalit at madamot sa nangangailangan? Iidolohin mo pa ba sila?

Sa ikatlong bahagi ng “Sermon sa Kapatagan” ay patuloy na nangangaral si Hesus ng ilan pang mga katangian ng mabuting mga tagasunod. Nilalaman nito ang aral ng mga bulag, ang aral ng alagad at guro, ang aral tungkol sa kapintasan ng tao at punongkahoy at mga bunga nito. 

Nababakas ba sa aking pagkatao ang mukha at bunga ng mga gawa ni Kristo?

Bilang mga Kristiyano, patuloy tayong hinahamon ni Hesus na maging tulad niya sa 2 bagay:

Una, isabuhay natin ang kanyang mga turo. Kung tayo mismo ay aakay ng ibang tao upang maligtas, dapat tayo rin ay namumuhay sa kabutihan. Kung hindi tayo matatag sa ating pananampalataya, paano natin tutulungan ang iba na manalig din kay Hesus? Kung hindi nanggagaling sa ating puso ang ating mabuting gawa, ito’y makikita’t makikita ng mga taong nakapaligid sa atin. Hindi magiging makatotohanan at makabuluhan ang ating mga gawain. 

Ikalawa, ang alagad ni Kristo ay larawan ng kanyang puso. Ang ibig sabihin, nakikita ng iba ang katauhan ni Kristo sa ating buhay. Tulad niya, tayo ay mapagmahal di lang sa ating mga kaibigan kundi pati na rin sa ating mga kaaway; tayo ay mapagpatawad; tayo ay tumutulong sa mga nangangailangan. Bakas sa ating mga gawain ang bunga ng mga aral ni Kristo na nagiging bukal ng pag-asa at kaginhawaan para sa kapwa. 

Kung likas na mabuti ang ating kalooban – ito ay lalabas sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. 


† Ama naming bukal ng kabanalan, isugo Mo sa amin ang Iyong Banal na Espiritu upang maisapuso’t isipan namin na ang matuwid na landas ay ang daan ng kaganapan sa buhay.  Amen!

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

Ika-4 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay

Ika-3 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay