Ang Misyong Mapalaya ang Bayan sa Lahat ng mga Anyo ng Kasamaan

Ika-3 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lucas 1, 1-4; 4, 14-21

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Kagalang-galang na Teofilo:
Marami na po ang nagsikap na, sumulat tungkol sa mga bagay na naganap sa gitna namin. Ang kanilang sinulat ay ayon sa sinabi sa amin ng mga nakasaksi nito buhat sa pasimula at nangaral ng Salita. Matapos na ako’y makapagsuri nang buong ingat tungkol sa lahat ng bagay na ito buhat pa sa pasimula, minabuti ko pong sumulat ng isang maayos na salaysay para sa inyo upang lubusan ninyong matiyak ang katotohanan ng mga bagay na itinuro sa inyo.

Noong panahong iyon, bumalik si Hesus sa Galilea, at sumasakanya ang kapangyarihan ng Espiritu Santo. Kumalat sa palibot na lupain ang balita tungkol sa kanya. Nagturo siya sa kanilang mga sinagoga; at dinakila siya ng lahat.

Umuwi si Hesus sa Nazaret na kanyang nilakhan. Gaya ng kanyang kinagawian, pumasok siya sa sinagoga nang Araw ng Pamamahinga. Tumindig siya upang bumasa; at ibinigay sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Binuksan niya ang aklat sa dakong kinasusulatan ng ganito:

“Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon,
sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita.
Sinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila’y lalaya,
at sa mga bulag na sila’y makakikita;
upang bigyang-kaluwagan ang mga sinisiil,
at ipahayag ang pagliligtas na gagawin ng Panginoon.”

Nilulon niya ang kasulatan, at matapos isauli sa tagapaglingkod, siya’y naupo. Nakatitig sa kanya ang lahat ng nasa sinagoga. At sinabi niya sa kanila: “Natupad ngayon ang bahaging ito ng Kasulatan samantalang nakikinig kayo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


Sinasabi nila na may mga taong nakakakita ng hinaharap tulad ng mga manghuhula. Nakaranas ka na bang mahulaan? Ang paghawak ng iyong kamay at pagsilip sa iyong palad… at pagtingin sa iyong mga mata na tila may binabasa na di mo nakikita? At sa dulo ng kanilang pagsusuri ay sasabihin nila ang iyong kapalaran! “Mag-ingat sa taong nakapula, siya ay magdudulot ng labis na kalungkutan…” NAKU! Diba’t iiwasan mo ngayon araw ang taong nakapula!

Nagbabasa ka rin ba ng “horoscope” kung saan sinasabi ang iyong kapalaran sa araw na ito o sa mga hinaharap! “Mag-suot ng dilaw at siguradong gaganda ang iyong araw…” Nagkakataon bang ito’y nagkakatotoo?

Noon pa mang unang panahon ay may mga propeta nang nangangaral ng mga propesiya. Ito ay nakasulat sa mga aral na minana ng mga Hudyo sa kanilang paghihintay sa pagdating ng Manunubos. 

Nagtungo si Hesus sa sinagoga at doon nagturo Siya. Binasa Niya ang aklat ni Propeta Isaias: 

“Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon, sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita. Sinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila’y lalaya, at sa mga bulag na sila’y makakikita; upang bigyang-kaluwagan ang mga sinisiil, at ipahayag ang pagliligtas na gagawin ng Panginoon.” 

At sinabi niya sa kanila: “Natupad ngayon ang bahaging ito ng Kasulatan samantalang nakikinig kayo.” Lucas 1:18-19; 21

Kung isa ka sa nakikinig kay Hesus sa sinagoga, maniniwala ka ba na naisakatuparan Niya ang Kasulatan? 

Paniniwala nating mga Kristiyano na si Hesus ang katuparan ng mga propesiya sa Lumang Kasulatan o Old Testament. Isinabuhay Niya ang pagtuturo ng kabutihan, pagpapakilala sa Diyos Ama, pagpapagaling sa mga may sakit at paggawa ng iba’t ibang himala. Naging masunuring Anak Siya sa Kanyang Ama hanggang sa dulo ng Kanyang buhay upang mailigtas sa kasalanan ang lahat ng tao sa mundo!

Ngunit hindi doon nagtatapos ang istorya ng kaligtasan. Mismong si Hesus ay may propesiya sa hinaharap: ang nakatakdang muli Niyang pagdating upang litisin ang mga tao at isama ang mga taong karapat-dapat sa kalangitan upang makasama Siya. 

Kasunod nito ay ang hamon sa ating lahat na maging handa sa Kanyang muling pagdating sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng Kanyang mga aral at kautusan tulad Niya. Isipin natin sa pagsisimula ng bawat araw at mga iba’t ibang sitwasyong ating kakaharapin kung ang ating mga gawa ay ayon nga ba sa kabutihan. 

Pagnilayan: Paano ko ba maisasakatuparan ang hamon na maging mabuti sa araw-araw (sa ating pamilya, kaibigan, kaklase, at sa ating mga kapit-bahay)

🙏 Manalangin tayo…

+ Salamat po, Panginoon, sa kaloob Mong Banal na Kasulatan at sa pamamatnubay nito sa amin. Tulutan Mong mamuhay kaming alinsunod sa mensahe nito hanggang sa katapusan ng aming buhay. Ikaw na nabubuhay at naghahari nang walang hanggan. Amen!

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

Ika-4 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay

Ika-3 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay