Ang Maawaing Ama, Laging Handa Upang Tayo Ay Salubungin

Ika-4 Linggo ng Kuwaresma
Pagbasa: Lucas 15:1-3. 11-32

Noong panahong iyon, ang mga publikano at ang mga makasalanan ay nagsisilapit upang makinig kay Hesus. Nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at ang mga eskriba. Ang sabi nila: “Ang taong ito’y nakikisalamuha sa mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Kaya’t sinabi sa kanila ni Hesus ang talinghagang ito:

“Isang tao ang may dalawang anak na lalaki. Ang wika ng bunso, ‘Ama, ibigay na po ninyo sa akin ang mamanahin ko.’ At binahagi sa kanila ng ama ang kanyang ari-arian. Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili ng bunso ang kanyang ari-arian at nagtungo sa malayong lupain, taglay ang buo niyang kayamanan, at doo’y nilustay na lahat sa di wastong pamumuhay. Nang malustay na niya ang kanyang kayamanan, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing yaon, at nagdalita siya. Kaya’t namasukan siya sa isang mamamayan ng lupain yaon. Siya’y pinapunta nito sa bukid upang mag-alaga ng baboy. Ibig sana niyang punan ang kanyang pagkain kahit ng mga bungang-kahoy na ipinakakain sa mga baboy ngunit walang magbigay sa kanya. Nang mapag-isip-isip niya ang kanyang ginawa, nasabi niya sa sarili, ‘Ang mga alila ng aking ama ay may sapat na pagkain – at lumalabis pa – samantalang ako’y namamatay ng gutom dito! Babalik ako sa kanya, at sasabihin ko, “Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawagin ninyong anak; ibilang na lamang ninyo akong isa sa inyong mga alila.” At tumindig siya at pumaroon sa kanyang ama.

“Malayo pa’y natanawan na siya ng ama at ito’y labis na nahabag sa kanya, kaya’t patakbo siyang sinalubong, niyakap, at hinagkan. Sinabi ng anak, ‘Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawagin ninyong anak.’ Ngunit tinawag ng ama ang kanyang mga alila, ‘Madali! Dalhin ninyo rito ang pinakamahusay na damit at isuot sa kanya. Suutan siya ng singsing at panyapak. Kunin ang pinatabang guya at patayin; kumain tayo at magsaya! Sapagkat namatay na ang anak kong ito; ngunit muling nabuhay; nawala, ngunit nasumpungan.’ At sila’y nagsaya.

“Nasa bukid noon ang anak na panganay. Umuwi siya, at nang malapit na sa bahay ay narinig niya ang tugtugan at sayawan. Tinawag niya ang isa sa mga alila at tinanong: ‘Bakit? May ano sa atin?’ ‘Dumating po ang inyong kapatid!’ tugon ng alila. ‘Ipinapatay ng inyong ama ang pinatabang guya, sapagkat nagbalik siyang buhay at walang sakit.’ Nagalit ang panganay at ayaw itong pumasok sa bahay. Kaya’t lumabas ang kanyang ama at inamu-amo siya. Ngunit sinabi nito, ‘Pinaglingkuran ko po kayo sa loob ng maraming taon, at kailanma’y hindi ko kayo sinuway. Ngunit ni minsa’y hindi ninyo ako binigyan ng kahit isang bisirong kambing para magkatuwaan kami ng aking mga kaibigan.’ Subalit nang dumating ang anak ninyong lumustay ng inyong kabuhayan sa masasamang babae, ipinagpatay pa ninyo ng pinatabang guya!’ Sumagot ang ama, ‘Anak, lagi kitang kapiling. Ang lahat ng ari-arian ko’y sa iyo. Ngunit dapat tayong magsaya at magalak, sapagkat namatay na ang kapatid mo, ngunit muling nabuhay; nawala, ngunit nasumpungan.’”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


May kaibigan o kaanak ka bang nakagawa sa’yo ng di maganda? Halimbawa, hiniram ng iyong kaibigan ang paborito mong laruan pero hindi na niya ito isinauli. O kaya, may sinabi kang sikreto sa iyong kaklase ngunit ipinagsabi niya ito sa iba! Naku! Magagalit ka siguro ng husto ano? Mapapatawad mo ba sila sa mga nagawa nilang kasalanan laban sa’yo?

Dahil sa panunuya ng mga Pariseo kay Hesus na nakikisalamuha sa mga publikano at makasalan, kaniyang ikinuwento ang talinghaga ng “Alibughang Anak”. Sa kwentong ito, inilalarawan ang walang pag-aalinlangang pagpapatawad ng ama sa kaniyang anak na nawalay sa tamang landas.

Sino ako sa kuwento? Ang ama, ang panganay na anak o ang bunsong anak?

Ang Talinhaga ng Alibughang Anak ay may tatlong mahalagang aral tungkol sa pagpapatawad:

  1. Lumapit tayo sa Panginoon: Walang perpektong tao, sa araw-araw nating pamumuhay ay magkakamali tayo. Huwag nating ilayo ng husto ang ating mga sarili sa Panginoon dahil tayo’y nahihiya na lumapit sa kanya. 
  2. Walang hanggang pagpapatawad ng Panginoon: Hinihintay tayo ng ating Ama na magbalik-loob sa Kanya. Walang napakabigat na kasalanan ang hindi Niya mapapatawad kung bukas-loob natin itong pinagsisisihan.
  3. Mahalaga ang magpatawad: Kung paano tayo pinatawad ng Ama, dapat ay maging mapagpatawad din tayo sa ating kapwa. Hindi ito madali lalo na’t kung malaki ang pagkakasala sa atin. Ngunit alalahanin natin na tayo man di’y handang patawarin sa ating mga pagkakamali kaya’t dapat maging mapagpatawad din tayo sa ating kapwa. 

Bilang mga Katoliko, hinihikayat tayo ni Hesus na magkumpisal. Sa sakramento ng kumpisal ay nagiging buo at lubos ang kapatawaran ng Panginoon sa ating kasalanan. Napapanibago nito ang kalinisan ng ating kalooban!

Pagnilayan: May nagawa ka bang pagkakamali sa iyong kapwa? Paano mo ito itinama? Humingi ka ba ng tawad?

🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

🙏 Manalangin tayo…

† Panginoong Diyos, narito kami ngayon sa harap Mo na waring mga alibughang anak na nagkasala sa Iyo nang maraming ulit at sa maraming paraan. Tanggapin Mo kaming muli nang buong pagmamahal at tulutan Mo kaming maging mapagpatawad sa lahat ng nagkasala sa amin.  Amen!

Source

Sources: Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

Ika-4 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay

Ika-3 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay