Ang Katapangang Manatili kay  Hesus Kapag Tumalikod ang Iba

Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon
Juan 6:60-69

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, marami sa mga alagad ni Hesus ang nagsabi, “Mabigat na pananalita ito; sino ang makakatanggap nito?” Alam ni Hesus na nagbubulungan-bulungan ang kanyang mga alagad tungkol dito, kaya’t sinabi niya, “Dahil ba rito’y tatalikuran na ninyo ako? Gaano pa kaya kung makita ninyong umaakyat ang Anak ng Tao sa dati niyang kinaroroonan?

Ang Espiritu ang nagbibigay-buhay; hindi ito magagawa ng laman. Ang mga salitang sinabi ko sa inyo ay Espiritu at buhay. Ngunit may ilan sa inyong hindi nananalig sa akin.” Sapagkat talastas ni Hesus buhat pa noong una kung sinu-sino ang hindi nananalig sa kanya, at kung sino ang magkakanulo sa kanya. Idinugtong pa niya, “Iyan ang dahilan kaya ko sinabi sa inyo na walang makalalapit sa akin malibang loobin ito ng Ama.”

Mula noo’y marami sa kanyang mga alagad ang tumalikod at hindi na sumama sa kanya. Kaya’t tinanong ni Hesus ang Labindalawa, “Ibig din ba ninyong umalis?” Sumagot si Simon Pedro, “Panginoon, kanino po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Naniniwala kami at ngayo’y natitiyak naming kayo ang Banal ng Diyos.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


May mga aral si Hesus na sadyang mahirap maisabuhay. Kung may gumawa ng hindi maganda sa iyo, halimbawa, isang kaklase na kumupit ng gamit mo, o kaya kung isang kaibigan na ibinunyag ang sikreto mo, hindi ba parang mahirap silang patawarin at mahalin? Ngunit turo ni Hesus, mahalin natin maging ang ating mga kaaway? Susunod ka ba? Saan ka huhugot ng lakas upang masundan ang aral Niya?


Sa pagtatapos ng talumpati ni Hesus tungkol sa “Tinapay ng Buhay” ay marami pa rin ang nagbulung-bulungan at hindi makapaniwala sa Kanyang pahayag. Kaya’t marami ang umalis at piniling iwan Siya.


Handa ka bang sumunod kay Hesus kahit marami ang pinipiling iwan Siya?


Sa panahon ngayon, nagiging mas mahirap na ang gumawa ng kabutihan. Ang karamihan kasi ay nais nang maginhawa at mabilis na tugon sa tawag ng kamunduhan. Mas madali na rin nating nakukuha ang lahat ng ating kagustuhan. Kung marami ang gumagawa ng mali, tila madali rin nating kumbinsihin ang ating sarili at sabihing “e marami din naman ang gumagawa nito eh diba? Kaya ok lang…”

Bilang mga Katoliko, hinahamon tayo ni Hesus na sumunod at isabuhay ang mga utos at aral Niya. Hindi ito magiging madali dahil mas maraming tao ang pipiliin ang mas madali ngunit makasalanang pamumuhay. Ngunit tandaan natin na ang pinaghahandaan natin ay ang buhay ng walang-hanggan. At tayo ay makararating lamang sa langit sa pamamagitan lamang ni Hesus.


Kumatha ng maikling panalangin na tulungan tayong maging matatag at manindigan sa pananampalataya kay Hesus salungat man ito sa karamihan.

Hesus, ikaw ang salitang nagbibigay-buhay. Patuloy mo akong isugo at bigyan ng lakas na ipahayag ka saan man sulok ng daigdig. Hipuin Mo ang puso ng mga taong hindi pa bukas na tumanggap ng iyong salita, sa tulong ng Espiritu Santo, magpasawalang hanggan.

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

Ika-4 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay

Ika-3 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay