Ang Hamon na Mag-Aruga at Magbahagi

Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon đź“– Pagbasa: Juan 6:1-15
Juan 6:1-15

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan


Noong panahong iyon, tumawid si Hesus sa ibayo ng Lawa ng Galilea, na tinatawag ding Lawa ng Tiberias. Sinundan siya ng napakaraming tao sapagkat nakita nila ang mga kababalaghang ginawa niya sa pagpapagaling sa mga maysakit. Umahon si Hesus sa burol kasama ang kanyang mga alagad at naupo roon. Malapit na noon ang Pista ng Paskuwa ng mga Judio.


Tumanaw si Hesus, at nakita niyang dumarating ang napakaraming tao. Tinanong niya si Felipe, “Saan tayo bibili ng tinapay upang makakain ang mga taong ito?” Sinabi niya ito para subukin si Felipe, sapagkat alam ni Hesus ang kanyang gagawin. Sumagot si Felipe, “Kahit na po halagang dalawandaang denaryong tinapay ang bilhin ay di sasapat para makakain nang tigkakaunti ang mga tao.” Sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, si Andres na kapatid ni Simon Pedro, “Mayroon po ritong isang batang lalaki na may dalang limang tinapay na sebada at dalawang isda. Ngunit gaano na ito sa ganyang karaming tao?” “Paupuin ninyo sila,” wika ni Hesus. Madamo sa lugar na yaon. Umupo ang lahat humigit kumulang sa limanlibo ang mga lalaki.


Kinuha ni Hesus ang tinapay at matapos magpasalamat sa Diyos ay ipinamahagi sa mga tao; gayun din ang ginawa niya sa isda. Binigyan ang lahat hangga’t gusto nila. At nang makakain na sila, sinabi niya sa mga alagad, “Tipunin ninyo ang lumabis para hindi masayang.” Gayun nga ang ginawa nila, at nakapuno sila ng labindalawang bakol.


Nang makita ng mga tao ang kababalaghang ginawa ni Hesus, sinabi nila, “Tunay na ito ang Propetang paririto sa sanlibutan!” Nahalata ni Hesus na lalapit ang mga tao at pilit siyang kukunin upang gawing hari, kaya muli siyang umalis na mag-isa patungo sa kaburolan.


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


Likas ba sa iyong kalooban ang tumulong? Minsan naiisip natin, ano nga ba ang magagawa natin, iisang tao lang tayo? O kaya, ano naman ang maitutulong ko, wala naman akong kahit na ano? Ang iba naman ay nag-aalinlangan dahil sa baka sila maubusan kung ipamamahagi nila ang mayroon sila.


Napakaraming tao ang sumunod kay Hesus upang makinig at masaksihan ang Kanyang mga himala. Hindi malaman ng mga apostoles kung paano pakakainin ang napakaraming tao. Dahil sa pag-aalay ng isang bata ng kanyang baong 5 tinapay at 2 isda ay himalang napakain ni Hesus ang limanlibong tao.

“Kinuha ni Hesus ang tinapay at matapos magpasalamat sa Diyos ay ipinamahagi sa mga tao; gayon din ang ginawa niya sa isda. Binigyan ang lahat hangga’t gusto nila.” Juan 6:11

Mapagbigay ba ako tulad ng bata?

Tunay na nakamamanghang himala ang naganap sa burol kung saan pinakain ni Hesus ang limanlibong tao! Ngunit sa puso ng kaganapang ito ay ang walang pag-iimbot na pag-alay ng bata ng kanyang baon para sa mga tao. Mayaman sa aral ang Ebanghelyo ngayon:

(1) Lahat tayo ay may kakayanang tumulong, huwag nating husgahan o lagyan ng limitasyon ang ating pagbabahagi sa nangangailangan. Alalahanin natin na sa Panginoong Diyos nanggagaling ang lahat ng biyayang mayroon tayo kaya’t nararapat lamang na handa tayong ipamahagi ito sa iba lalo na sa oras ng pangangailangan.

(2) Hindi tayo pababayaan ng Diyos. Huwag tayong matakot na magutom o mawalan ng kahit na anong materyal na bagay. Kahit na anong pangangailangan natin ay ibibigay Niya. Kailangan lamang na bukas ang ating isip upang maintindihan at malaman kung ano nga ba ang karunungan sa likod ng Kanyang mga pagpapala.

(3) Minsan ay sinusubok tayo ng Diyos upang maalala natin na kailangan nating humingi ng tulong sa Kanya. Kailangan buo ang ating pananampalataya na tutugunan Niya ang ating mga espirituwal at pisikal na pangangailangan.
Malaki at malayo ang mararating ng ating pagtulong sa kapwa, kahit hindi man natin ito makita. Hindi natin alam kung saan aabot ang maliit na pagbabahagi natin pero ang mahalaga ay inialay natin ito ng bukal sa ating kalooban.

Humanap ka ng isang charity na ang gawain ay malapit sa iyong puso o kaya mag-lingkod sa social services ng inyong parokya sa pamamagitan ng pag-aalay ng panahon, kakayanan at kaunting kayamanan.


🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

+ Panginoon, puspusin mo kami ng iyong biyaya upang mahalin at paglingkuran ka namin ng walang pagkukubli, buksan mo ang aming mga puso para sa aming kapwa.

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches |Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

Ika-4 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay

Ika-3 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay