Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon: Tinanong si Juan Bautista ng mga tao, “Kung gayun, ano po ang dapat naming gawin?” “Kung mayroon kang dalawang baro, bigyan mo ng isa ang wala. Ganyan din ang gawin ng mga may pagkain,” tugon niya. Dumating din ang mga publikano upang pabinyag at itinanong nila sa kanya, “Guro, ano po ang dapat naming gawin?” Sumagot siya, “Huwag kayong sumingil nang higit sa dapat singilin.” Tinanong din siya ng mga kawal, “At kami, ano naman ang dapat naming gawin?” “Huwag kayong manghihingi kaninuman sa pamamagitan ng pamimilit o ng pagpaparatang ng di totoo; masiyahan kayo sa inyong sahod,” sagot niya.
Naghahari sa mga tao ang pananabik sa pagdating ng Mesiyas at ang akala ng marami’y si Juan ang kanilang hinihintay. Kaya’t sinabi ni Juan sa kanila, “Binibinyagan ko kayo sa tubig, ngunit ang darating na kasunod ko ang magbibinyag sa inyo sa Espiritu Santo at sa apoy. Siya’y makapangyarihan kaysa sa akin, at ni hindi ako karapat-dapat magkalag ng tali ng kanyang panyapak. Hawak niya ang kanyang kalaykay upang alisin ang dayami. Titipunin niya ang trigo sa kanyang kamalig, ngunit ang ipa’y susunugin sa apoy na di mamamatay kailanman.”
Marami pang bagay ang ipinangaral ni Juan sa mga tao sa kanyang paghahayag ng Mabuting Balita.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagmamasid
Sa ngayon, siguro ay tuluyan nang nagliliwanag ang ating mga tahanan at iba’t ibang mga lugar na ating pinupuntahan. Nakatayo na ang Christmas Tree at kumukutitap na ang ang magagandang ilaw at parol. Ang ilang mga party ay naganap na at iba’y parating na kaya’t araw araw ramdam natin ang saya at pagmamahal ng bawat isa! Ngunit, suriin natin ang ating kalooban. Tayo ba ay nakapaghanda na para sa pagdating ni Hesus sa ating buhay?
Paghahawi
Nagpatuloy si San Juan na mangaral sa mga tao at ipinaliwanag niya kung ano ang mga paraan at kung paano makapaghahanda sa paparating na Mesiyas. Inakala ng ilang tao na siya na ang Mesiyas kaya’t pinabulaanan niya ito at sinabi –
“Binibinyagan ko kayo sa tubig, ngunit ang darating na kasunod ko ang magbibinyag sa inyo sa Espiritu Santo at sa apoy. Siya’y makapangyarihan kaysa sa akin, at ni hindi ako karapat-dapat magkalag ng tali ng kanyang panyapak.” Lucas 3:10
Pagtatabas
Ano ang sinasabi sa akin ni Juang dapat kong gawin upang ipakita ang katapatan ng aking pagbabalik-loob?
Pagsasaayos
Ipinapangaral ni San Juan na ang pinaka-angkop na paghahanda sa pagdating ng Panginoon.
Hinahamon niya tayong maging (1) mapag-bigay… “Kung mayroon kang dalawang baro, bigyan mo ng isa ang wala. Ganyan din ang gawin ng mga may pagkain”;
(2) patas… “Huwag kayong sumingil nang higit sa dapat singilin.”;
(3) huwag maging mapaghangad… “Huwag kayong manghihingi kaninuman sa pamamagitan ng pamimilit o ng pagpaparatang ng di totoo; masiyahan kayo sa inyong sahod,”
Simple kung susuriin ang mga kailangang gawin ngunit dahil sa minsan tayo ay natatangay ng tukso ng yaman at kamunduhan ay nakakalimutan natin o pinipiling talikuran ang kabutihan.
Isipin natin na kung ano ang mayroon tayo, ito ay kaloob ng Panginoon. Kung ito ay ating pagyayamanin ay lalong mas bibigyan tayo ng malaki. Gamitin natin ang ating mga palad na maging instrumento ng pagpapala sa iba, nang sa gayon maisasabuhay natin ang kabutihan at maging tunay na handa sa nalalapit na pagdating ni Hesus.
Pagdiriwang
Paano ko matutularan ang katapatan at kababaang-loob ni Juan sa aking araw-araw na pamumuhay?
🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

🙏 Manalangin tayo…
+ Hesus, Ikaw ang salitang nagbibigay-buhay. Patuloy mo akong isugo at bigyan ng lakas na ipahayag ka saan man sulok ng daigdig. Hipuin Mo ang puso ng mga taong hindi pa bukas na tumanggap ng iyong Salita, sa tulong ng Espiritu Santo, magpasawalang hanggan.