Ipinagdiriwang natin ngayon ang Kapistahan ng Mahal na Birheng Maria na Nagdadalamhati o Mater Dolorosa. Kung mapapansin sa mga litrato ng nagdadalamhating ina ay may 7 punyal o espada na nakatusok sa kanyang puso. Simbolo ito ng 7 kaganapan na nagdulot ng labis na lungkot sa ating ina:
1. Ang Propesiya ni Simeon sa sanggol na si Hesus (Lukas 2:34)
2. Ang Pagtakas Patungong Ehipto ng Banal na Mag-Anak (Mateo 2:13)
3. Ang Pagkawala ng Batang Hesus ng Tatlong Araw (Lukas 2:43)
4. Ang Pagkasalubong ni Jesus at Maria sa Daan ng Krus (Lukas 23:26)
5. Ang Pagkamatay ni Hesus sa Krus, kung saan ang kanyang Ina’y nakatayo sa paanan ng Krus (Juan 19:25)
6. Ang Pagbababa Mula sa Krus kay Hesus, kung saan kinalong ni Maria ang bangkay ni Hesus (Mateo 27:57)
7. Ang Paglilibing kay Hesus (Juan 19:40)

🙏 Manalangin Tayo…
† O maawaing Ina ng Panginoon, Birheng natigib ng lumbay at kapighatian, nagpapakababa kami ngayon sa aming pagkakaluhod dito sa harap mo. Isinasamo namin sa iyo na kami ay tulungan mo, at hilumin tuwina ang aming mga puso. Nawa ay matutuhan naming alalahanin ang hirap na tiniis ng Anak mong si Hesus sa Kanyang pagkakapako sa krus, at ang hapis na tiniis mo, sapagkat dinamayan mo Siya sa Kaniyang mahal na Pasyon. Hingin mo sa iyong Anak na kami ay mabuhay at mamatay sa kabanalan, at madinig ang aming panalanging idinudulog sa’yo [banggitin ang kahilingan], kung ito ay para sa ikapupuri ninyong mag-ina, at sa ikagagaling ng mga kaluluwa namin. Amen.