Araw ng Kapistahan: Oct 15 | Patron ng mga sumasakit o maysakit sa ulo
Ipinanganak si Sta. Teresa sa Avila noong 1515. Bata pa lang sila ng kanyang kapatid na Rodrigo ay kakaiba na sila sa ibang mga bata. Hindi sila mahilig makipaglaro bagkus lagi silang nagbabasa ng bibliya at talambuhay ng mga santo. Tuwang tuwa sila sa mga santo dahil sa kanila, ang mga santo ay kasama ng Panginoon sa langit magpakailanman. Sa kanilang tuwa ay karaniwan silang nagtatatakbo sa hardin at umaawit ng “forever, forever, forever!”
Noong siya ay 21 ay nagdesisyon siyang maging madre. Kalaunan ay nadiskubre niya na may kakaiba pala siyang katangian… mayroon siyang pangitain ng langit! At ang mga nakikita niya, isinusulat niya.
Isa sa mga pangitain niya ay isang anghel na may hawak na mahabang sibat o spear. Nakangiti ang anghel kaya’t hindi siya natakot, bigla, sinaksak siya ng sibat ng anghel sa puso. Sa halip na makaramdam ng sakit ay naramdaman niyang siya’y ligtas at payapa. Ang sibat pala ay sumisimbolo ng pagmamahal ng Diyos!
Maraming nagawang maganda sa buhay si Sta Teresa! Nagtayo siya ng kumbento, ang St. Joseph, na ang layunin ay mamuhay ng simple at magdasal. Tutol ang ibang kongregasyon sa kanyang layunin kaya’t siya ay kinutya at pinahirapan. Ngunit sa Grasya ng Diyos ay lumawig ang kanyang misyon sa buong España at kalaunan sa Europa.
Siya ay nagtayo ng religious order na “Discalced Carmelites”.
Siya ay naging santo noong 1622 at idineklarang Pantas ng Simbahan noong 1970.
🙏 PANALANGIN KAY SANTA TERESA NG AVILA

Mahal na Sta. Teresa ng Ávila,
Minahal mo ang Diyos ng buong puso.
Tulungan mo akong mahalin Siya,
At magtiwala sa Kanya araw-araw.
Turuan mo akong maging mabait at matapang,
Turuan mo akong magdasal nang may galak, at sundan lagi si Hesus.
Ipanalangin mo ako at ang aking pamilya,
Upang palagi kaming manatiling malapit sa Diyos. Amen.
Santa Teresa ng Avila, Ipangalangin mo kami.