Paggunita kay Santa Faustina Kowalska


Si Helena Kowalska ay ipinanganak noong 1905 sa isang mahirap na pamilya. Matapos ang Grade 3 ay hindi na siya nakapag-aral kaya’t hindi siya masyado marunong magsulat o magbasa. Bata pa lang ay pangarap na niya maging madre ngunit hindi siya pinayagan ng kanyang magulang. Kailangang kailangan kasi nila ang perang kinikita niya sa pamamasukan sa mga bahay. 

Noong siya ay 19 na taong gulang ay nagkaroon siya ng pangitain kung saan sinabihan siya ng Panginoon na pumunta sa Warsaw, ang kabisera ng Poland. Agaran siyang sumakay ng tren at naghanap ng mga kumbentong papasukan. Walang kumbento ang gustong tumanggap sa kanya dahil hindi siya nakapag-aral. Sa wakas ay pinayagan siya ng mother superior ng Servants of Our Lady of Mercy na umanib sa kanila. Doon ay binansagan si Helena na Sister Maria Faustina of the Blessed Sacrament. 

Dahil hindi siya masyadong marunong magbasa at magsulat, ang binigay na trabaho sa kanya sa kumbento ay pagluluto, paghahardin at paglilinis. Salat man siya sa kaalaman ay malaking biyaya naman ang natanggap niya sa pagpapakita ni Hesus sa kanya. Ang misyon na ibinigay sa kanya ay ang pagpapalaganap ng debosyon sa Banal na Awa ng Panginoon. 

Sa isang pangitain ay sinabihan siya na magpagawa ng larawan ni Hesus bilang Panginoon ng Banal na Awa o Divine Mercy. Ginawa niya ang lahat ng iniutos sa kanya at naging mabuting halimbawa siya sa iba lalo na sa mga kapwa niyang madre na pinagtatawanan siya. Masakit man ito para sa kanya ay pinatawad niya sila. 

Pinayuhan siya ng kaniyang spiritual adviser na isulat sa diary ang kanyang mga karanasan at mga pangitain. Dahil hindi masyadong marunong magsulat si Sr. Faustina ay napakahirap basahin ng kanyang diary. Ngunit noong siya ay mamatay noong 1938 ay ipinaayos ang mga sulat at itinama ang mga pagbabaybay ng kanyang mga sulat at ipinadala sa Vatican. 

Matagal na panahon ang ginugol para pag-aralan ang kanyang mga karanasan at aral ngunit sa wakas, siya ay dineklarang santo noong 2000. Ipinagdiriwang ang Divine Mercy Sunday tuwing unang linggo pagkatapos ng Easter Sunday taun taon. 


Basahin ang aral tungkol sa Linggo ng Banal na Awa dito πŸ‘‡


πŸ™ PANALANGIN KAY SISTER FAUSTINA

+ O Hesus, na pinuspos Mo ang Iyong alagad, na si Sta. Faustina, na mataimtim na paggalang sa Iyong walang hanggang awa, loobin Mo po sana, kung ito ay naaayon sa Iyong banal na kagustuhan, na ipagkaloob sa amin, sa pamamagitan niya ang mga biyaya na aming hinihiling.

(Mataimtim na sambitin ang mga kahilingan)

Kami ay hindi karapat-dapat tumanggap ng Iyong awa dahil sa aming mga kasalanan, ngunit alalahanin po Ninyo Panginoon si Sta. Faustina dahilan sa kanyang mga sakripisyo at pagkakait sa kanyang sarili, ay gantimpalaan po sana Ninyo ang kanyang mga kabutihang loob sa pamamagitan ng pagkakaloob sa amin ng aming mga kahilingan na sa Iyong harapan ay aming idinudulog nang may buong pagtitiwala na tulad ng pagtitiwala ng isang bata, sa pagsusumamo na rin ni Sta. Faustina. AMEN

Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati

Santa Faustina Kowalska, ipanalangin mo kami


πŸ“š Sanggunian:

Source:  http://saintsresource.com/faustina-kowalska

NilayGabay