Kapistahan: August 4 | Patron ng mga Pari
🤲 Happy Priest Day sa lahat ng mga pari! | Ipinanganak noong 1786 sa isang mahirap na pamilya si St. Jean-Baptiste-Marie Vianney. Noong French revolution ay bawal magsimba ang mga Katoliko ngunit pinipilit ng pamilya ni St. John na makapagmisa. Nang dahil dito ay itinuring ni St. John na mga bayani ang mga pari at inasam na siya mismo ay maging pari.
Noong 1809 ay sapilitan siyang lumaban sa giyera kahit na noong panahong iyon ay nagsisimula na siya sa kanyang religious studies. Kalaunan ay nasugatan siya habang nakikidigma kaya’t nahiwalay siya sa mga kasamahang sundalo. Siya ay napadpad sa bundok at doon siya nakapagtayo ng paaralan. Nang matapos ang giyera ay binigyan sila ng amnestiya ng gobyerno at naipagpatuloy niya ang kanyang pagpapari.
Halos maibagsak ni St. John ang Latin pero nakitaan siya ng kabutihan ng kanyang obispo kaya’t siya’y naordinahang pari. Hindi man siya maituturing na matalinong tao ay napukaw naman niya ang puso’t isipan ng mga parokyano niya at siya ay minahal ng lahat. Marami ang gustong magkumpisal sa kanya.
Napakaraming tao ang naglalakbay mula sa malalayong lugar makapagkumpisal lamang sa kanya. Minsa’y inaabot siya pa siya ng 16 hours sa pagkukumpisal.
Nagtayo din ng bahay ampunan at paaralan at ginamit niya ito upang maturuan ang mga naulila na manampalataya.
Sa loob ng 41 taon ang nagsilbi sa maliit na parokya sa Ars, France si St. John. Payak na komunidad man ang kayang pinaglingkuran ay napamahal siyang lubusan sa napakaraming tao sa France. Noong namatay siya sa edad na 73 ay dinaluhan ang kanyang lamay ng libu-libong tao para makiramay.

🙏 Panalangin kay San Juan Maria Vianney
O Hesus, ipinapanalangin ko sa Iyo ang matapat at maalab Mong mga pari; ang mga lilo at nanlalamig Mong mga pari; ang Iyong mga paring nagpapagal dito at sa ibang bansa; Ang mga pari Mong nahaharap sa matinding tukso at pagsubok; ang mga nangungulila at nag-iisa Mong mga pari; ang Iyong mga bata, matatanda at maysakit na mga pari;
Higit sa lahat, ipinapanalangin ko sa Iyo ang mga paring napalapit na sa akin; ang paring nagbinyag sa akin; ang mga paring nagpapakumpisal sa akin; ang mga paring nangunguna sa Misa namin at nagbibigay sa akin ng Iyong Katawan at Dugo sa Banal na Komunyon; ang mga paring nagtuturo at gumabay sa akin; at ang lahat ng paring pinagkakautangan ko ng loob.
O Jesus, alalahanin at ilapit Mo Silang lahat sa Iyong Mahal na puso at lagi Mo nawa silang pagpalain, ngayon at magpasawalang hanggan. Amen.
San Juan Maria Vianney, Patron ng Mga Pari, Ipanalangin Mo kami!