📅 Kapistahan tuwing Mayo 1
🛡️ Patron ng:
Mga manggagawa, ama ng tahanan, mga naghahanap ng trabaho, pamilya, at ng Simbahang Katolika
📖 Si San Jose, ang Manggagawa
Si San Jose ay isang karpintero. Tahimik Siyang nagtrabaho upang buhayin sina Maria at Batang Hesus. Hindi Niya piniling maging sikat o magreklamo—bagkus, inalay Niya ang bawat pako, bawat tabla, bawat pawis para sa Diyos at sa Kanyang pamilya. Ginugunita natin Siya bilang patron ng lahat ng manggagawa.
🔍 Balikan ang Sarili
Sino-sino sa pamilya mo ang nagtatrabaho araw-araw? Si Nanay, Tatay, Kuya o Ate? Naisip mo na bang magpasalamat sa kanila? Araw-araw silang nagsusumikap upang matustusan ang pagkain, edukasyon, at pangangailangan ng pamilya. Kahit pagod, hindi sila sumusuko.
Nagpapasalamat ba ako sa mga taong araw-araw na nagtatrabaho para sa akin? Paano ko naipapakita ang aking pagmamahal at paggalang sa kanila?
🌟 Aral ni Hesus
Ang paggawa ay biyaya. Ang bawat pagod, kahit hindi nakikita ng marami, ay mahalaga sa Diyos. Katulad ni San Jose, ang bawat manggagawa ay tinatawag na maging tapat, mapagmahal, at mapagkumbaba sa kanilang trabaho.
👐 Gawa
Ngayong araw, magdasal para sa mga manggagawa—lalo na ang iyong mga magulang o tagapag-alaga. Gumawa ng simpleng thank you card para sa kanila at sabihing: “Salamat po sa inyong pagsusumikap. Tulad po ni San Jose, kayo ay biyaya sa aming pamilya.”
🙏 Manalangin Tayo…

+ Maraming salamat po, mahal na San Jose Manggagawa, sa huwarang buhay na iyong ipinakita—tapat, masipag, at mapagmahal. Salamat din po sa lahat ng manggagawang patuloy na nagsusumikap upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
Ipinapanalangin po namin ang lahat ng naghahanapbuhay, lalo na ang aming mga magulang, kapamilya, at tagapag-alaga. Bigyan po ninyo sila ng lakas sa katawan, kapayapaan sa isip, at tibay ng loob sa gitna ng pagod at sakripisyo. Tulungan po ninyo kaming matutong maging mapagpasalamat sa kanila at tumulong maibsan ang kanilang pagod sa maliit naming paraan. Amen.
San Jose Manggagawa, ipanalangin mo kami. +
✅ Action Checklist:
☐ Nagdasal ako para sa mga manggagawa.
☐ Nagpasalamat ako sa isang taong nagtatrabaho para sa amin.
☐ Tumulong ako sa bahay bilang paraan ng pasasalamat.