Araw ng Kapistahan: July 31
Patron ng Society of Jesus o Heswita, mga sundalo at retreat
🤲 Ad Majorem Dei Gloria “For the Greater Glory of God”
Si San Ignacio ay pinanganak sa prominenteng pamilya sa España noong 1491. Siya ang bunso sa 13 magkakapatid.
Noong lumaki, siya’y naging sundalo. Isang araw habang lumalaban sa mga Frances ay tinamaan siya ng bala ng kanyon sa binti at isang taon naratay sa higaan. Habang siya’y nakaratay ay nakapag-aral siya ng bibliya at mga buhay ng mga santo. Kalaunan, sa kanyang paggaling ay hindi na siya bumalik sa pagsusundalo; natagpuan na niya ang tunay na kaligayahan sa Panginoon.
Sa kanyang paglalaan ng kanyang sarili sa pag-aaral ng bibliya at ng mga buhay ng santo ay nakita niya ang Panginoon sa lahat ng bagay. Ang lahat ng kilos at gawa, desisyon at plano ay dapat nagtutungo sa higit na kaluwalhatian ng Diyos! Bilang tanda ng kaganapan ng kanyang pagbabagong buhay ay nagtungo si San Ignacio sa isang monasteryo at inialay niya ang kanyang uniporme pang-sundalo sa paanan ni Inang Maria.
Ipinagpatuloy ni San Ignacio ang kanyang pag-aaral at pinalalim niya ang kanyang kaalaman sa pananampalataya. Noong 1540, kasama ng pitong iba pa ay binuo nila ang Society of Jesus o Jesuits. Si San Ignacio ang kanilang lider.
Ipinadala ni San Ignacio ang mga Hesuwita isa iba’t ibang sulok ng mundo at doon sila nagtayo ng mga paaralan upang ituro ang mga gawa ng Panginoon.
Maraming sikat ng panalangin ang ginawa ni San Ignacio at mga kasamahan. Kabilang dito ang Anima Christi at Prayer for Generosity.
Panoorin natin ang munting aral sa likod ng “Prayer for Generosity” ni San Ignacio ng Loyola kasama ang mahal ng obispo ng Novaliches, Bishop Robbie Gaa, D.D.
🙏 Manalangin tayo…

Panginoon, turuan Mo akong maging bukas-palad, Na maglingkod sa Iyo ayon sa nararapat, Na magbigay at huwag magbilang ng halaga, Na lumaban at huwag pansinin ang mga sugat, Na magtrabaho at huwag maghanap ng kapahingahan, Na magsumikap at huwag maghintay ng anumang gantimpala, Maliban sa kaalamang ginagawa ko ang Iyong kalooban. Amen.