Paggunita kay San Benito, Abad

🗓️ Araw ng Kapistahan : July 11

🛡️ Patron ng Europa, mga monghe, at mga naghahanap ng kapayapaan sa buhay



Si San Benito ay ipinanganak noong taong 480 AD sa Nursia, Italya. Galing siya sa isang mayamang  pamilya at nakapag-aral sa Roma. Habang tumatanda siya, mas ninanais niyang manalangin nang mag-isa, kaya sa loob ng tatlong taon ay tumira siya sa isang yungib sa Subiaco. Dahil sa kanyang kabanalan, maraming tao ang lumapit sa kanya para humingi ng gabay upang mamuhay sa kabanalan. 


Noong bandang taong 529, nagtayo si Benito ng isang pamayanang monghe sa Monte Cassino. Sumulat siya ng “Batas ni San Benito” na nagtuturo ng simpleng pamumuhay: pagiging mahirap, malinis ang puso, masunurin sa abbot (lider), at pagtitiis kahit mahirap ang buhay. Araw-araw, walo ang takdang oras ng kanilang panalangin gamit ang Mga Salmo upang purihin ang Diyos at matutong mamuhay nang mapayapa kasama ang iba.


Dalawampung taon siyang naging abbot at nagtayo ng labindalawang monasteryo. Tinuturuan niya ang mga monghe na maglingkod sa isa’t isa at tumulong sa mga taong nakapaligid sa kanila. Nang siya’y pumanaw noong 547 AD, inilibing siya sa tabi ng kanyang kakambal na si Santa Escolastica

Ang Medalyon ni San Benito
Hindi ito anting-anting bagkus isang mabisang tanda at paalala ng proteksyon na biyaya ng Panginoon sa ating lahat. Isa itong medalya na may cross at Latin inscriptions na panlaban sa tukso, kasamaan, at masamang espiritu.

Mga Simbolismo sa Medalya:

🔹 C.S.P.B. – “Crux Sancti Patris Benedicti” (Krus ng Banal na Amang si Benito)
🔹 V.R.S.N.S.M.V. – “Vade Retro Satana, Numquam Suade Mihi Vana” (Lumayas ka, Satanas! Huwag mo akong tuksuhin!)
🔹 Eius in obitu nostro praesentia muniamur! – “Sa aming pagpanaw, nawa’y maprotektahan kami ng kanyang presensya.”


🙏 Panalangin kay San Benito…

♱ O mapagpalang San Benito, ipanalangin mo kami na magkaroon ng lakas ng loob laban sa tukso at kasamaan. Tulungan mo kaming manalig nang buo sa kapangyarihan ng Krus ni Kristo. Gaya mo, nawa’y mamuhay kami nang may pananampalataya, pagsunod, at kababaang-loob. San Benito, ipanalangin mo kami.

📚 Mga Sanggunian:

Vatican News: www.vaticannews.va

OSB.org – The Benedictine Confederation

EWTN Saints & Medals Database

The Rule of St. Benedict (translated by Abbot Parry)

Catholic Encyclopedia – San Benito 

http://www.saintsresource.com/benedict-of-nursia