Ipinagdiriwang natin ngayon ang Linggo ng Banal na Awa ng Diyos o ang Divine Mercy Sunday.
Ayon sa mga sulat ni Santa Faustina, sinabi ni Hesus na sinumang taimtim na magdarasal sa Kanya bilang Hari ng Banal na Awa ay magwawagi laban sa kanyang mga kaaway, lalo na sa oras ng kamatayan.
Nang magpakita si Hesus kay Sr. Faustina, Siya ay nakasuot ng puting damit, nakataas ang Kanyang kanang kamay na tila nagbabasbas, at ang Kanyang kaliwang kamay ay nakaturo sa Kanyang puso. Mula roon ay lumalabas ang dalawang sinag — isang pula (Dugo) at isang puti (Tubig), bilang tanda ng Kanyang pagmamahal at kalinisan. Sa imahe, mababasa ang mga salitang: “Jesus, I trust in You.”
Bilang pakikiisa, inaanyayahan tayong magdasal ng panalangin ng Banal na Awa tuwing alas-3 ng hapon, ang oras ng pagkamatay ni Hesus, upang alalahanin ang Kanyang walang hanggang pag-ibig para sa atin.
🙏 Panalangin sa Banal na Awa ni Hesus (3 o’Clock Habit):

Tuwing alas-tres ng hapon, naaalala natin si Hesus na namatay sa Krus dahil mahal Niya tayong lahat. Sa panalangin ng 3 o’clock habit, humihingi tayo ng awa kay Hesus para sa ating sarili at sa buong mundo. Ipinapakita natin ang ating pagmamahal at tiwala sa Kanya, at hinihiling natin na punuin Niya ng Kanyang kabutihan ang lahat ng tao.
🙏 Manalangin tayo…
“Pumanaw Ka, Hesus, subali’t ang Bukal ng Buhay ay bumalong para sa mga kaluluwa at ang Karagatan ng Awa ay bumugso para sa sanlibutan.
O Bukal ng buhay, Walang Hanggang Awa ng Diyos, yakapin Mo ang sangkatauhan at ibuhos Mong ganap ang Iyong sarili para sa aming lahat.
O Banal na Dugo at Tubig, dumaloy mula sa puso ni Hesus bilang Bukal ng Awa, para sa aming lahat, ako ay nananalig sa Iyo.
Banal na Diyos, Banal na puspos ng Kapangyarihan, Banal na Walang Hanggan, maawa po Kayo sa amin at sa buong sansinukob. (3x) Amen.
O Hesus, Hari ng Awa, kami ay nananalig sa Iyo.
O Hesus, Hari ng Awa, ako ay nananalig sa Iyo.
O Hesus, Hari ng Awa, nawa’y ang buong mundo’y manalig sa Iyo. Amen.”
Narito naman ang isang mas maikling panalangin na maaaring ituro sa mga bata upang dasalin tuwing alas-3 ng hapon
🧒 Munting Panalangin sa Banal na Awa ni Hesus para sa mga bata
“O Hesus, Diyos ng pag-ibig at awa,
Ipinamamanhik ko sa Iyo ang mga nagkasala.
Sa Iyong mapait na paghihirap,
maawa Ka sa amin at sa buong sanlibutan.”
🤲 Mga simpleng gawain alay kay Hesus ngayong Linggo ng Banal na Awa

- Magkumpisal – Buksan ang puso at damhin ang walang-hanggang awa ng Diyos sa Sakramento ng Kumpisal.
- Magsimba at magkomunyon – Lumapit kay Hesus sa Banal na Misa at tanggapin Siya sa Komunyon bilang pagkain ng buhay.
- Ipagdasal ang mga pari na naghahatid ng sakramento ng Kumpisal – Pasalamatan at ipanalangin ang mga pari na nagsisilbing tulay ng awa ng Diyos sa mundo.
- Patawarin ang mga nagkasala sa iyo – Gayahin ang habag ng Diyos sa pamamagitan ng taos-pusong pagpapatawad.
- Gumawa ng kabutihan sa kapwa lalo na ang kapus-palad- Maging mukha ng awa ni Hesus sa mundo sa pamamagitan ng pagmamalasakit sa nangangailangan.
- Magdasal ng Divine Mercy Chaplet – Alay ng panalangin ang tiwala sa Awa ng Diyos para sa sarili at sa buong mundo.