Kapistahan ni San Bartolome


Si St. Philip o San Felipe ang nagdala kay St. Bartholomew o Bartolome kay Hesus (kilalang Nathaniel sa Ebanghelyo). Ang sabi ni San Felipe ay si Hesus ang tinutukoy ng mga propeta na Sugo ng Panginoon. Nang makalapit siya ay nagulat si San Bartolome dahil tila kilalang kilala na siya ni Hesus kahit na una pa lang silang nagkita. Binati siya ni Hesus at sinabing malinis ang kalooban niya at walang bahid ng pandaraya. Agad agad ay nanampalataya siya kay Hesus. Sinabihan sila ni Hesus, “Makakikita ka ng mga bagay na higit kaysa rito!”

Nagkatotoo nga ang mga sinabi sa kanya ni Hesus. Nasaksihan niya ang mga kahanga-hangang himala at pangaral ni Hesus: ang magpagaling ng may sakit at iba pang mga gawaing patunay ng pagmamahal ng Diyos sa lahat. Naging saksi rin siya sa pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus.

Matapos matanggap ang Espiritu Santo noong Pestekostes ay nagtungo sa malalayong lugar si San Bartolome upang ipalaganap ang Mabuting Balita. Umabot siya hanggang sa India, Armenia at Turkey. Bagama’t katotohanan lamang sa buhay ni Hesus ang kanyang pinapangaral ay may mga tao pa rin na hindi naniniwala kaya’t siya’y namatay na isang martir ng pananampalataya.


đź“– Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, hinanap ni Felipe si Natanael, at sinabi rito, “Natagpuan namin si Hesus na taga-Nazaret, ang anak ni Jose. Siya ang tinutukoy ni Moises sa kanyang sinulat sa Kautusan, at gayun din ng mga propeta.” “May nagmumula bang mabuti sa Nazaret?” Tanong ni Natanael. Sumagot si Felipe, “Halika’t tingnan mo.”

Nang malapit na si Natanael ay sinabi ni Hesus, “Masdan ninyo ang isang tunay na Israelita; siya’y hindi magdaraya!” Tinanong siya ni Natanael, “Paano ninyo ako nakilala?” Sumagot si Hesus, “Bago ka pa tawagin ni Felipe, nakita na kita nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos.” “Rabi, kayo po ang Anak ng Diyos! Kayo ang Hari ng Israel!” wika ni Natanael. Sinabi ni Hesus, “nanampalataya ka ba dahil sa sinabi ko sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Makakikita ka ng mga bagay na higit kaysa rito!” At sinabi niya sa lahat, “Tandaan ninyo: makikita ninyong bukas ang langit, at ang mga anghel ng Diyos ay manhik-manaog sa kinaroroonan ng Anak ng Tao!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


🙏 PANALANGIN KAY SAN BARTOLOME

+ O maluwalhating San Bartolome, tinawag ka ni Hesus na taong walang pagkukunwari, at nakita mo ang tanda sa mundong ito na Siya ang Anak ng Diyos at Hari ng Israel. Ipagkaloob mo sa amin ang biyaya na sa tuwina ay huwag magbalatkayo at payak na tulad ng kalapati. Gayundin naman, tulungan mo kami na mapasa-amin ang biyaya ng Iyong pananampalataya na makita ang mapagpalang kamay ng Diyos sa mga pangyayari sa pang-araw-araw naming buhay. Nawa’y mapagtanto namin ang mga tanda ng panahon na maghahatid sa amin kay Hesus dito sa lupa at humantong nawa sa pakikipagkaisa namin sa kanya sa langit magpakailanman. Amen


San Bartolome, Ipanalangin mo kami!


📚 Sanggunian:

http://saintsresource.com/bartholomew-apostle

NilayGabay

Ika-4 na Linggo sa Pasko ng Muling Pagkabuhay | Kapistahan ng Mabuting Pastol

Ikatlong Linggo sa Pasko ng Muling Pagkabuhay

Ikalawang Linggo sa Pasko ng Muling Pagkabuhay