Kapistahan ni Apostol Santiago


Isa si San Santiago, anak ni Zebedeo, sa unang tinawag ni Hesus bilang apostol. Kapatid siya ni San Juan, at kilala silang malapit kay Hesus. Sila ay naging saksi sa ilan sa mahahalagang pangyayari sa buhay ni Hesus:

✨ ang pagbuhay sa anak ni Jairo,

✨ ang Transfiguration, at

✨ ang panalangin sa Hardin ng Getsemani.

Dahil may dalawang apostol na nagngangalang Santiago, siya ay tinawag na “St. James the Great”—marahil dahil siya ang mas matanda o mas kilala.

Tinawag din sila ni Hesus na “sons of thunder” (Markos 3:17), dahil madaling uminit ang kanilang ulo. Ngunit tinuruan sila ni Hesus na ang tunay na paglilingkod ay nagmumula sa pagmamahal, hindi sa galit o dahas.

Kalaunan, buong tapang na isinabuhay ni San Santiago ang aral ni Hesus. Matapos ang Pentekostes, nagpatuloy siya sa pangangaral sa Jerusalem, kahit may banta sa kanyang buhay. Siya ang kauna-unahang apostol na naging martir para sa pananampalataya.


🙏 Manalangin tayo…

+ Mahal naming Apostol Santiago, mula sa pagiging mangingisda tinawag ka ng Panginoon upang mamalakaya ng sangkatauhan na bubuo ng Kristiyanong Sambayanan.

Tulungan mo kami upang madinig ang tawag ni Kristo sa aming buhay. Naging saksi ka sa mga mahahalagang pangyayari Sa buhay ni Hesus. Makita nawa namin sa aming paligid ang masaganang Pagpapala ng Panginoon.

Tulungan mo kami na maging matatag sa gitna ng mga pagsubok at ng hamon ng buhay. Tulungan mo kami sa aming mga pangangailangan, (Banggitin ang sariling kahilingan). Pagalingin mo ang aming karamdaman patatagin mo kami sa gitna ng aming kahinaan. Amen. 

Apostol Santiago, Ipanalangin mo kami.


📚 Sanggunian:

  • Franciscan Media – Saint of the Day
  • EWTN Global Catholic Network
  • Catholic Encyclopedia (New Advent)
  • CatholicReadings.org
  • USCCB – Bible Readings & Gospel References