Kapistahan ng Birhen ng Fatima

🌹 May 13 | Kapistahan ng Birhen ng Fatima

💖 “Magdasal kayo ng Rosaryo araw-araw para sa kapayapaan sa mundo at sa pagtatapos ng digmaan.” – Mahal na Birhen ng Fatima


Noong 1917, sa Fatima, Portugal, may tatlong batang pastol—Lucia, Francisco, at Jacinta—na nagpapastol ng mga tupa araw-araw. Noong Mayo 13, habang sila ay nasa bukid, biglang nagpakita sa kanila ang isang Babaeng napakaliwanag—mas maliwanag pa sa araw, ang Mahal na Birheng Maria, ang Ina ni Hesus.

📌 Tatlong mahalagang hiling niya:

  1. Magdasal ng Rosaryo araw-araw para sa kapayapaan ng mundo at pagtatapos ng digmaan
  2. Magsisi sa mga kasalanan at lumapit muli sa Diyos
  3. Mag-alay ng sakripisyo para sa mga makasalanan upang mailigtas ang kanilang kaluluwa

Sa mga susunod na buwan, anim na beses nagpakita si Maria sa kanila. Sa huli, Oktubre 13, 1917, nagpakita ang “Miracle of the Sun”, kung saan maraming tao ang nakakita sa araw na umiikot at sumasayaw sa langit—isang himala bilang patunay sa pagpapakita ni Maria.

Sa pagpapakita ni Inang Maria, Birhen ng Fatima, sa mga bata ay nagbigay siya ng 3 sikreto sa kanila. 

💌 Ang unang sikreto ay ang pangitain o vision ng impyerno, 

💌 Ikalawang sikreto ay ang pagtatapos ng digmaan 

💌 at, katlong sikreto na patungkol sa pangitain ng pagkamatay ng santo papa at iba pang relihiyoso. 

Ang lahat ng sikreto na pinahayag ni Inang Maria ay nakasentro sa tema ng pagsisisi sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Panginoon. Hiling ni Maria na magdasal tayo ng Rosaryo araw-araw at pagnilayan ang buhay ni Hesus. Kalakip ng pagdarasal ng rosaryo ay ang pagsambit ng panalanging ito pagkatapos ng bawat dekada: 

O Hesus ko, patawarin mo kami sa aming mga sala, iligtas mo kami sa apoy ng impiyerno, dalhin Mo ang lahat ng kaluluwa sa langit, lalong-lalo na ang higit na nangangailangan ng iyong awa. Amen


👐 Mga Gawa para sa mga Bata


Magdasal ng Rosaryo para sa Kapayapaan
Magdasal ng kahit isang dekada ng Rosaryo kasama si Nanay o Tatay at ialay ito para sa mga bata sa mga bansang may digmaan.

Maglaan ng ilang minuto ng pananahimik
Magtalaga ng 5 minutong katahimikan ngayong araw upang humingi ng tawad kay Hesus at idulog ang panalangin sa kapayapaan

Alay kay Maria
Gumawa ng simpleng drawing o papel na bulaklak na kulay asul at puti para ialay kay Maria. Isulat sa likod ang panalangin mong personal para sa mundo.


📚 Mga Sanggunian:

Vatican.va – The Message of Fatima 

https://www.vatican.va/roman_curia/congregations/cfaith/documents/rc_con_cfaith_doc_20000626_message-fatima_en.html

The Catholic Encyclopedia – Fatima

https://www.newadvent.org/cathen/05783a.htm

EWTN – Our Lady of Fatima Apparitions

https://www.ewtn.com/catholicism/library/our-lady-of-fatima-apparitions-2079

Fatima.org – The Story of Fatima

https://fatima.org/about/fatima-the-true-story/

Source

NilayGabay

Ika-4 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay

Ika-3 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay