Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahaong iyon, si Juan Bautista’y dumating sa ilang ng Judea at nagsimulang mangaral. Sinabi niya, “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan, sapagkat malapit nang maghari ang Diyos!” Si Juan ang tinutukoy ni Propeta Isaias nang sabihin nito,
“Ito ang sabi ng isang sumisigaw sa ilang: ‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang mga landas!”
Hinabing balahibo ng kamelyo ang damit ni Juan, at balat ang kanyang pamigkis. Ang kanya namang pagkai’y balang at pulot-pukyutan. At pumunta sa kanya ang mga taga-Jerusalem, taga-Judea, at mga naninirahan sa magkabilang panig ng Jordan. Ipinahayag nila ang kanilang mga kasalanan, at sila’y bininyagan ni Juan sa Ilog Jordan.
Ngunit nang makita niyang marami sa mga Pariseo at mga Saduseo ang lumalapit upang pabinyag, sinabi niya sa kanila, “Kayong lahi ng mga ulupong! Sino ang nagbabala sa inyo upang tumakas sa parusang darating? Ipakilala ninyo sa pamamagitan ng inyong pamumuhay na kayo’y nagsisisi. At huwag ninyong ipangahas na kayo’y anak ni Abraham. Sinasabi ko sa inyo: Ang Diyos ay makalilikha ng mga tunay na anak ni Abraham mula sa mga batong ito. Ngayon pa’y nakaamba na ang palakol sa ugat ng punungkahoy; ang bawat punungkahoy na hindi mabuti ang bunga ay puputulin at ihahagis sa apoy. Binibinyagan ko kayo sa tubig bilang tanda ng pagsisisi ninyo’t pagtalikod sa inyong mga kasalanan; ngunit ang dumarating na kasunod ko ang magbibinyag sa inyo sa Espiritu Santo at sa apoy. Siya’y makapangyarihan kaysa akin, hindi ako karapat-dapat kahit tagadala ng kanyang panyapak. Hawak niya ang kanyang kalaykay upang alisin ang dayami. Titipunin niya sa kamalig ang trigo, ngunit ang ipa’y susunugin sa apoy na di mamamatay kailanman.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
📖 Kwento ni Hesus
Dumating si Juan Bautista sa ilang upang mangaral at tawagin ang mga tao na magbalik loob sa Diyos. Marami ang lumapit sa kanya upang umamin ng kasalanan at magpabinyag bilang tanda ng bagong simula. Ngunit pinaalalahanan niya ang mga Pariseo at Saduseo na hindi sapat ang salita, kailangan din ang tunay na pagbabago ng puso na nakikita sa gawa.
“Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan, sapagkat malapit nang maghari ang Diyos” Mateo 3:2
🙇🏽♂️ Ating Karanasan
Minsan ba ay may nagagawa kang mali pero sa kabila ng pagso-sorry mo ay naulit mo pa rin? Parang ang hirap minsan na magbago lalo na kung nakasanayan na natin ang isang ugali. Kapag paulit ulit na tayong napapagalitan ni nanay o ni tatay tulad ng sa pagliligpit ng gamit o kaya paghuhugas ng pinggan na lagi nating nakakalimutan, minsan para ngang nakakatawa o nakakainis na, pero alam naman nating kailangan natin itong gawin.
Ngayong panahon ng Adbiyento, inaanyayahan tayo ni Juan Bautista na huwag basta humingi ng tawad o mag-sorry kundi gumawa ng mga hakbang para sa tunay na pagbabago, hindi lang sa bibig kungi sa ating puso, isip at gawa.
🔍 Balikan ang Sarili
Handa ba akong magbago kung hinihiling ito ni Hesus ngayon?
🌟 Aral ni Hesus
Ipinapaalala sa atin ng Mabuting Balita na ang tunay na pagsisisi ay nakikita sa gawa, hindi lang sa salita.
🌳Ang tunay na pagsisisi ay may kasamang pagbabago. Sa ating pagso-sorry o pagsisisi, inaanyayahan tayong gumawa ng hakbang upang hindi na ulitin ang mali. Halimbawa, kung lagi tayong napapagalitan dahil hindi natin natatanggap ang ating pagkakamali, maaari tayong magsimulang maging mas mahinahon at magbigay-galang sa nagpapayo sa atin.
🌳Ang mabuting puso ay nagbubunga ng mabuting gawa. Sabi ni Juan na ang punong walang bunga ay puputulin, kaya tinatawag tayong gumawa ng kabutihan araw-araw. Kahit simpleng tulong sa bahay o pag-share ng laruan ay bunga ng pagmamahal kay Jesus.
🌳Ang Espiritu Santo ang nagbibigay lakas para magbago. Hindi natin kaya mag-isa ang pagbabagong hinihiling Niya kaya ipinapadala Niya ang Espiritu Santo upang tulungan tayo. Kapag nananalangin tayo at humihingi ng tulong, pinalalakas niya ang ating paninindigang pumili ng tama.
🍎 Palalimin natin ang ating pagkakaunawa sa Ebanghelyo ngayong linggo kasama si Ate Martina Isabelle B. Puzon ng Manresa School, Parañaque 😇
Maraming salamat sa mga ka-partner natin sa Pontifical Mission Societies ❤️
👦🏽👧🏽Gawa
✅ Gumawa ng isang mabuting gawain sa bahay na hindi mo karaniwang ginagawa.
✅ Humingi ng tawad sa isang taong nasaktan mo at gumawa ng konkretong pagbabago.
✅ Mag-alay ng isang dasal para sa isang taong nangangailangan ng bagong simula.
🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

🙏 Panalangin
♱ Panginoon, salamat sa paanyaya Mo sa aking magbago at maging mabuting tao. Tulungan Mo akong magbunga ng kabutihan at ihanda ang aming puso para sa Iyong pagdating. Amen.