Tamang Landas, Patikim Ng Langit

Ika-6 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Juan 14:23-29

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon: Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Ang umiibig sa akin ay tutupad ng aking salita; iibigin siya ng aking Ama, at kami’y sasakanya at mananahan sa kanya. Ang hindi umiibig sa akin ay hindi tumutupad sa aking mga salita. Hindi akin ang salitang narinig ninyo, kundi sa Amang nagsugo sa akin.

“Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito samantalang kasama pa ninyo ako. Ngunit ang Patnubay, ang Espiritu Santo na susuguin ng Ama sa pangalan ko, ang siyang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalaala ng lahat ng sinabi ko sa inyo.

“Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng ibinibigay ng sanlibutan. Huwag kayong mabalisa; huwag kayong matakot. Sinabi ko na sa inyo, ‘Ako’y aalis, ngunit babalik ako.’ Kung iniibig ninyo ako, ikagagalak ninyo ang pagpunta ko sa Ama, sapagkat dakila ang Ama kaysa sa akin. Sinasabi ko na ito sa inyo bago pa mangyari upang, kung mangyari na, kayo’y manalig sa akin.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


🧠 Ating Karanasan

Naranasan mo na bang pumunta sa isang lugar na hindi mo kabisado? Kahit pa napuntahan mo na ito dati, kung hindi mo ito madalas tunguhin, puwede ka pa ring maligaw! Buti na lang, sa panahon ngayon, may mga mapa na sa cellphone. Tinuturo nito, hindi lang ang tamang daan, kundi pati kung anong sasakyan at kung anong oras ka darating!

Ganyan din minsan ang buhay natin—may mga araw na hindi natin alam kung anong tama o mali. Kaya may pagkakataon na tayo’y nadadapa; nagkakasala o nawawala sa tamang landas. Kaya mahalaga na may gumagabay at nagpapaalala sa atin na gumawa ng kabutihan. 

📖 Kwento ni Hesus

Sinabi ni Hesus sa Kanyang mga alagad na ang umiibig sa Kanya ay sumusunod sa Kanyang salita. Nangako rin Siya na sa Kanyang paglisan sa mundo ay siya namang pagdating ng isang gabay—ang Espiritu Santo—na magpapaalala sa atin ng lahat ng Kanyang turo. Kung laging nasa puso natin ang Kanyang salita, nananahan sa atin ang Ama. 

🔍 Balikan ang Sarili

Paano ka ginagabayan ng Espiritu Santo sa araw-araw na pamumuhay?

🌟 Aral ni Hesus

Kung gusto nating maranasan ang tunay na kapayapaan, kailangang sundin natin si Hesus at buksan ang puso sa Espiritu Santo.

  1. Ang umiibig kay Hesus ay sumusunod sa Kanyang salita. Ibig sabihin, ang totoong pagmamahal kay Hesus ay hindi lang sa salita kundi sa gawa—ipinapakita ito sa ating araw-araw na kilos. Paano? Tulad ng pagpapatawad sa mga taong nagkakasala sa atin.
  2. Ang Espiritu Santo ang nagtuturo at nagpapaalala na gumawa ng tama. Siya ang parang “inner voice” o maliit na tinig sa ating mga isipan na nagtutulak sa atin na piliin ang tama kahit mahirap. Tulad nang kung minsan, natutukso tayong mandaya sa quiz pero naalala mong hindi yon mabuting gawain– Espiritu Santo ang gumabay sa iyo.
  3. Handog ni Hesus ang kapayapaan. Ang kapayapaang ito ay nagbibigay sa atin ng kapanatagan ng loob kahit magulo ang kapaligiran at isipan. Halimbawa: Kahit may problema ka sa bahay, nananatili kang payapa dahil alam mong kasama mo si Hesus.

Kung susundin natin si Hesus at papayagan ang Espiritu Santo na gumabay sa atin, unti-unti nating mararanasan ang kapayapaan at ang patikim ng langit kahit nasa mundo pa tayo.

👐 Gawa

Ngayong linggo, alalahanin natin ang turo ni Hesus at hayaan ang Espiritu Santo na gumabay sa ating puso. Narito ang ilang gawain na magpapayaman sa atin

✅Magbasa ng isang talata sa Bibliya at pagnilayan: “Ano ang itinuturo sa akin ni Hesus dito?”

✅Kapag nahirapan ka sa isang desisyon, manalangin sa Espiritu Santo bago kumilos.

✅Gumawa ng mabuti sa isang tao kahit hindi siya mabait sa iyo.


🙏 Manalangin tayo… 

♱ Panginoong Hesus, gusto Kong mahalin Ka sa pamamagitan ng pagsunod sa Iyong salita.

Ipagkaloob Mo po sa akin ang Espiritu Santo upang ako’y mapuno ng Iyong kapayapaan at gabayan tungo sa buhay na walang hanggan. Amen. 

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.